FIGHTER NG BAYAN| Colmenares naghain na ng kandidatura bilang senador

Neri

Bayan Muna Rep. Neri Colmenares during his filing of his certificate of candidacy for senator Image courtesy of Kathy Yamzon

Pormal ng naghain ng kanyang certificate of candidacy ngayong araw si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares bilang pagtakbo senador sa 2016.

Mula National Press Club ay naglakad ang grupo ni Colmenares kasama ang Makabayan bloc patungo sa opisina ng Commission on Elections sa Palacio Del Gobernador sa Intramuros, Maynila.

Sinamahan ang kongresista ng mga kapwa niya mambabatas na si Gabriela Rep. Emmi De Jesus at dating Rep.Satur Ocampo at Teddy Casiño. 

Bukod sa mga progresibong grupo ay sinuportahan din si Colmenares nina Angel Locsin at Mae “Juana Change” Paner.

Bago ang paghahain ngayong araw ay una ng idineklara ng Makabayan coalition na si Colmenares ang kanilang magiging pambato sa halalan. 

Sa kanyang deklarasyon na ginawa kamakailan sa Maynila ay nagpahayag sina Manila Mayor Joseph Estrada, Sen. Grace Poe at Sen. Chiz Escudero ng mainit nilang suporta kay Colmenares para sa darating na eleksyon.

Colmenares

Images courtesy of Kathy Yamzon

Ayon kay Colmanares tumakbo siya bilang senador dahil panahon na para magkaroon ng fighter ng bayan sa Senado. 

“Nag-file ako ng certificate of candidacy sa pagka senador bilang kandidato ng Bayan Muna. Bakit po ako tatakbo sa pagka senador? Tatakbo po ako sa pagka senador dahil kailangan ng fighter ng bayan sa Senado. Iyan ang dahilan bakit magpapatakbo ang Makabayan coalition sa Senado,” pahayag ni Colmenares.

Sinabi rin kanina ng mambabatas ang ilan sa kanyang mga nais na gawin  bilang senador.

“Tatakbo ako sa pagka senador para ipagpatuloy ang laban para itaas ang pensyon at sweldo. Tatakbo po ako sa pagka senador para pababain ang singil sa kuryente at tubig. Tatakbo ako sa Senado para ang serbisyon publiko ay palawakin at palakasin hindi gawing negosyo. Tatakbo ako sa Senado para ang yaman ng Pilipinas ay mapakinabangan nating mga Pilipino,” pahayag pa ng kongresista. 

Nagpasalamat din si Colmenares sa mainit na suportang ipinakikita sa kanya ng mga tagasuporta. 

Ang Makabayan coalition ay binubuo ng mga progresibong grupo tulad ng Bayan Muna, Gabriela, Katribu, Anakpawis, Pisto, Kabataan, Migrante at Alliance of Concerned Teachers.-DCR 

Advertisements