#Dutertezoned| Certificate of candidacy ni Duterte naihain na sa COMELEC

COC

Image courtesy of Sunstar Davao

Naihain na sa Commission on Elections (COMELEC) – Davao City ang certificate of candidacy (COC)  ni Mayor Rodrigo Duterte.

Ganap na 2:40 kaninang hapon ng pormal na ihain ang coc ni Duterte sa tanggapan ng komisyon.

Sa kabila nito ay marami ang nadismaya dahil imbes na pagiging pangulo ang takbuhan ay minabuti ni Duterte na kumandidato na lamang muli bilang alkalde ng Davao City.

Hindi rin personal na inihain ng alkalde ang kanyang kandidatura at sa halip ay ang kanyang chief of staff na si Bong Go ang nagdala nito sa COMELEC. 

Ginawa ng alkalde ang hakbang sa gitna nang mas tumitinding panawagan upang siya ay kumandidatong pangulo.

Kahapon ay nagsimula na ang kampanya ng pagpapakalbo upang himukin ang alkalde na kumandidato sa mas mataas na posisyon.

Ang pagpapakalbo ay sinimulan ng anak ni Duterte na si Inday Sara na ginaya naman ng maraming tagasuporta ng mayor.

Una ng inianunsyo noong Martes ni Duterte na hindi ito tatakbo bilang pangulo.

Bago ang paghahain ng COC ni Duterte sa Davao City ay napabalitang nasa Maynila ito ngayong araw kung kaya mas naging matunog ang ulat ng kanyang pagtakbo bilang pangulo.-DCR

Advertisements