DAHIL SA ISYU NG TANIM-BALA: PNoy nagpatawag na ng pulong sa Malacañang

Tanim Bala meeting

PNoy called a cabinet meeting on Monday (November 2) to discuss the issue of tanim bala modus operandi in NAIA terminals Image courtesy of Malacañang Photo Bureau

Nagpulong na sa Malacañang ngayong araw si Pangulong Benigno Aquino III kasama ang kanyang gabinete upang resolbahin ang isyu ng “laglag bala” o “tanim bala” modus operandi sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ginawa ng Pangulo ang hakbang matapos ang sunod-sunod na pagkakakumpiska ng mga airport security personnel ng bala sa loob mismo ng bagahe ng mga pasahero sa NAIA.

Naging maingay ang usapin sa midya matapos ang sunod-sunod na pagkakatagpo ng bala sa loob ng mga bagahe.

Partikular na nakukuhaan ng bala ay ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) na paalis na sana ng bansa.

Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong sa Palasyo ay sina  PNP – Aviation Security Group Chief Supt. Pablo Francisco “Boyet” Balagtas, PNP Chief Ricardo Marquez, Airport General Manager Jose Angel Honrado, Presidential Management Staff Head Julia Abad, Cabinet Secretary Jose Almendras, Interior Secretary Mel Senen Sarmiento, Transportation Secretary Jun Abaya at si Presidential Communications Development and Strategic Planning Office Undersecretary Manuel L. Quezon III. 

Sa naturang hakbang ay binigyan ng mga gabinete ang Pangulo ng ulat tungkol sa napabalitang isyu ng tanim bala sa NAIA at ang mga dapat na gawing hakbang ng gobyerno ukol dito.

Una ng sinabi ni Abaya kahapon na walang dapat ikatakot ang publiko sa tanim-bala modus operandi sa NAIA dahil ginagawa na umano ng gobyerno ang lahat upang matigil ito at mapanagot ang mga sangkot.

Aniya, iniimbestigahan na nila ang pangyayari at sinampahan na ng reklamo ang mga miyembro ng OTS (Office of the Transportation Security) at MIAA (Manila International Airport Authority) na sangkot sa insidente.

Sinabi naman ni MIAA spokesman David de Castro na aabot sa 40 kawani ng OTS ang iniimbestigahan na ngayon bunsod ng insidente.

Sa isang press conference ngayong araw sa Camp Crame itinanggi naman ni PNP – Aviation Security Group Spokesperson Supt. Jeanne Panisan na may kinalaman ang kanilang pangkat sa isyu ng tanim bala.

Aniya, bagama’t kabilang sila sa nangangasiwa ng seguridad sa mga paliparan kabilang sa NAIA ay hindi naman sila ang direktang nag-iinspeksyon sa bagahe ng mga pasahero.

Nitong mga nagdaang linggo ay higit kumulang sa limang katao na ang nahuhulihan ng bala sa NAIA.

Paliwanag ng mga nakukuhaan ng bala sa bagahe, wala silang alam dito at posibleng naitanim lamang sa kanilang mga bagahe ang bala.

Ang bagong modus na ito ay umaani ngayon ng batikos hindi lamang sa mga OFW kundi pati na rin sa lahat ng pasaherong gumagamit sa NAIA dahilan para aksyunan na ito ng Palasyo.-DCR

Advertisements