ATTACK BAGO BLOTTER: Pulis inuna ang cellphone bago asikasuhin ang complainant

Attack bago blotter

A 17-year old victim tells her ordeal after unidentified vendors from Balibago Complex in Laguna mauled her. Unfortunately the unnamed desk officer on duty on a local precinct in the said province seems not interested to the victims complain. Screenshot from a video uploaded by Ikwento Mo Kay Delio Facebook Page

Viral ngayon sa Facebook ang video na kuha mula sa isang lokal na presinto sa Laguna kung saan kitang kita ang kawalang interes ng isang pulis na asikasuhin ang isang menor de edad na lumapit dito para humingi ng tulong.

Sa video na ipinaskil sa Facebook page na Ikwento Mo kay Delio ay nakuhan ang paglapit ng isang 17-anyos na babae sa pulis para magreklamo at humingi ng tulong.

Kita sa video na isinasalaysay ng hindi nakilalang biktima sa pulis kung paano siya binugbog ng ilang tindera.

Sa impormasyong ipinaskil kasama ng video, napag-alaman na pinagtulungan ang biktima ng mga manininda sa Balibago Complex sa Laguna.

Nabatid na ang menor de edad na babae ay nabiktima ng kuyog bintang nakaw style modus ng mga tindera sa Balibago kung saan binubugbog ng mga tindera ang kanilang mga biktima sakaling hindi bumili ito ng kanilang mga paninda. Nangyayari ang pananakit matapos palabasin na ang biktima ay nagnakaw ng paninda.

“Si Mamang Pulis imbes nai blotter ang nangyari mukhang busy sa paglalaro ng COC. Isang 17 yrs old na babae ang dumulog sa tangapan ng pulisya sa balibago complex..matapos syang pagtulungang kuyugin sipain sabunutan at sapakin ng mga tindera sa gilid ng target mall pinagbintangan umano syang (as usual) magnanakaw.. ayon sa mga pulis at brgy nabiktima umano sya ng kuyog style bintang nakaw.. pag nakulitan sayo oh dka bumili ng produkto nila at nagaspangan sayo gagawan ka nila ng kwento na ssbihin magnanakaw ka oh bsta ka nalang kukuyugin.. nataniman umano sya ng wallet sa loob ng kanyang bag at sinabi na magnanakaw sya para may dahilan para sya ay kuyugin at saktan,” bahagi ng impormasyong ipinaskil kasama ng video.

Bagama’t kinakausap ng pulis, kita sa higit apat na minutong video na kahit minsan ay hindi man lang nito tinignan ang biktima habang naglalahad ito ng kanyang reklamo.

Sa video ay halatang mas abala pa ang pulis sa kanyang cellphone kaysa alamin at asikasuhin ng maayos ang biktima.

Sinabihan rin ng pulis ang biktima na gumawa ito ng paraan para ma-contact niya ang kanyang mga magulang subalit hindi man lang ito nag-alok ng kahit anong paraan sa biktima. 

Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy naman na umaani ng batikos ang ginawa ng pulis mula sa mga galit na netizen. 

Sa pinakabagong standard operating procedures ng Philippine National Police (PNP) na sinimulang ipinatupad noong 2012 sa ilalim ng pamamahala ni dating PNP Chief Nicanor Bartolome ay nakasaad na dapat kunin ng desk officer on duty ang mga sumusunod:  Information of the Reporting Person, Data of Suspect, Data of the Victim, Narrative of the Incident and the Signature.

Ang nasabing mga impormasyon ay mahalaga para sa maayos na imbestigasyon sa reklamo kasama na ang paghahanda ng kaso sa korte. 

Layon din ng operating procedure na ito ng PNP na maiwasan na ang paulit ulit na pagsasalaysay ng biktima ng kanyang reklamo bago tuluyang maitala ng pulisya.

Sa kabila nito, kita sa video na wala man lamang isinulat na kahit ano ang pulis at sa halip ay naging abala lamang ito sa kanyang cellphone sa loob ng higit apat na minutong pagsasalaysay ng biktima.-DCR

Advertisements