Coloma hindi tinawag na ‘gago’ pero dapat nang mag-resign ayon kay Ex-DILG Sec. Alunan

Dapat nang magbitiw sa kanyang pwesto si Communications Sec. Herminio “Sonny” Coloma.

Ito ang reaksyon ni dating Interior Sec. Rafael Alunan III. 

Nag-ugat ang reaksyon ni Alunan dahil sa komento ni Coloma tungkol sa mainit pa ring usapin ng ‘tanim bala’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). 

Nilinaw pa ni Alunan na hindi niya tinawag na ‘gago’ si Coloma dahil kilala niya ito ng personal. Ayon sa dating kalihim, ang komento niyang gago ay patungkol sa mensahe ng Malacañang na iilang tao lang naman ang nahuhulihan ng bala sa NAIA.

Bago nito una ng sinabi ni Coloma na kailangang ilagay sa tamang konteksto ang laglag bala issue sa NAIA

“Kailangan din natin ilagay sa tamang konteksto. Libu-libo ang gumagamit ng paliparan at iilan lang naman ‘yung mga nakitaan ng ganitong mga nakitaan ng bala, at lahat ng insidenteng ito ay sinisiyasat nang naaayon sa batas at nagbibigay ng sapat na pagkilala sa karapatang-pantao at mga legal rights ng mga sangkot na indibidwal,” pahayag ni Coloma. 

Matapos ang pahayag na ito ng Palasyo ay naglabas naman ng kanyang komento si Alunan ukol dito.

Aniya, kahihiyan ng buong bansa ang tanim bala modus operandi sa NAIA. Ang ganitong mga pangyayari ay nakakaapekto umano sa imahe ng bansa partikular na sa turismo.

“The main victim is the country – reputation, tourism, trust and confidence are shaken loose by this. It is also the name of Ninoy Aquino which is emblazoned at the country’s main international gateway!”

“It is not a question of how few the incidents are, but the global publicity it gets that sabotages our wellbeing because of inaction against the root causes of the people’s discontent. Gago.” pahayag pa ni Alunan. 

Naniniwala si Alunan na naiipit lamang si Coloma sa isyu at napipilitan lamang itong gumawa ng mga pahayag para sa Pangulo. 

“He’s (Coloma) too bright to make that stupid remark. He had to say it for someone who doesnt deserve to be his principal at the expense of his personal political capital and professional reputation.” 

Ayon pa kay Alunan, mas makakabuti kung magbibitiw na lamang si Coloma sa pwesto upang hindi tuluyang madungisan ang reputasyon nito.

“Actually Sonny Coloma in my view should resign his post and work for better people. He’s battered and his credibility shattered because of the unworthy people he represents,” pahayag pa ni Alunan sa kanyang Facebook post. 

Kahapon ay nagpulong na sa Malacañang si Pangulong Benigno Aquino III kasama ang kanyang gabinete upang resolbahin ang isyu ng “laglag bala” o “tanim bala” modus operandi sa mga terminal ng NAIA.

Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong sa ay sina  PNP – Aviation Security Group Chief Supt. Pablo Francisco “Boyet” Balagtas, PNP Chief Ricardo Marquez, Airport General Manager Jose Angel Honrado, Presidential Management Staff Head Julia Abad, Cabinet Secretary Jose Almendras, Interior Secretary Mel Senen Sarmiento, Transportation Secretary Jun Abaya at si Presidential Communications Development and Strategic Planning Office Undersecretary Manuel L. Quezon III. 

Sa naturang hakbang ay binigyan ng mga gabinete ang Pangulo ng ulat tungkol sa napabalitang isyu ng tanim bala at ang mga dapat na gawing hakbang ng gobyerno ukol dito.-DCR

Advertisements