#APEC2015: Obama dumating na sa Maynila, PH Navy ship bibisitahin din

Obama5

US Pres. Barack Obama arrives in Manila on Tuesday to attend APEC 2015. The President was expected to push pro American economic interest like the Trans-Pacific Partnership among member economies of APEC. 

Dumating na sa bansa si United States President Barack Obama para dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit 2015.

Si Obama kasama si Pangulong Benigno Aquino III at 19 na iba pang member economies ng APEC ay dadalo sa Economic Leader’s Conference na gaganapin sa Philippine International Convention Center sa darating na Nobyembre 18-19.

Eksakto 11:20 kaninang umaga nang lumapag ang Air Force One sakay si Obama.

Obama2

Siya ay sinalubong nina Defense Sec. Voltaire Gazmin, Philippine Ambassador to US Jose Cuisia Jr. at US Ambassador to Manila Philip Goldberg.

Matapos ang pagsalubong sa kanya ay agad ding sumakay sa Marine One si Obama paalis ng paliparan.

Bukod sa pagdalo sa APEC ay nakatakda ding bisitahin ni Obama ang BRP Gregorio Del Pilar na siya ngayong pinakamoderno sa mga barkong pandigma ng Philippine Navy.

Ang nasabing barko ay binili ng Pilipinas matapos itong mai-decommission ng US Coast Guard.

Magaganap ang naturang aktibidad sa gitna ng umiigting na isyu sa agawan ng mga teritoryo sa pagitan ng China at iba pang bansa kasama ang Pilipinas sa West Philippine Sea.

Kasabay nito inaasahan na itutulak ni Obama sa pagdalo nito sa APEC 2015 Summit ang interes ng Amerika pagdating sa pagsusulong ng  Trans-Pacific Partnership.

Bukod sa usapin sa mainit na isyu sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea ay nakatingin din ngayon ang buong mundo kay Obama hinggil sa magiging posisyon ng Amerika sa ginawang pag-atake ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa Paris, France na ikinamatay ng higit 120 katao at ikinasugat ng higit 200 iba pa.

Sa usaping lokal naman ay inaasahan na ang pag-uusap ni Aquino at Obama para talakayin ang kahihinatnan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na naglalayong pahintulutan ang mga tropang Amerikano na magamit ang mga pasilidad ng Armed Forces of the Philippines.-DCR

Advertisements