Dagdag na naval ship ibibigay ng US sa Pilipinas- Obama

 

Obama AP

US President Barack Obama visits Philippine Navy warship BRP Gregorio Del Pilar in Manila. The President is in the Philippines to attend the APEC 2015.          Photo from Associated Press/Voice of America

Magbibigay pa ng karagdagang barkong pandigma ang Estados Unidos sa Pilipinas.

Ito ang sinabi ngayong araw ni US President Barack Obama kasabay ng kanyang pagdalaw sa pinakamodernong barko de gyera ng Philippine Navy na BRP Gregorio Del Pilar (PF 15).

Ang nasabing barko ay dating pag-aari ng US Coast Guard na binili ng Pilipinas kasama ang BRP Ramon Alcaraz (PF 16).

Si Obama ay dumating sa bansa ngayong araw para dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leader’s Summit sa Nobyembre 18-19.

Sa talumpati ni Obama sinabi nitong ang isang barkong ibibigay ng US sa Pilipinas ay magagamit para sa maritime research habang ang isa pa ay isang Hamilton class cutter ship na tulad ng Alcaraz at Del Pilar. 

“The United States has been committed to the security of this region for more than 70 years, we have a treaty obligation, an ironclad commitment, to the defence of our ally the Philippines, who can count on the United States,” pahayag pa ng Pangulo ng Amerika.

ObamaPH1

US Pres. Barack Obama greets American and Filipino soldiers after his speech on Fort Bonifacio during his first visit to Manila last April 2014           Photo by Pete Souza/White House Photo Release 

Bago ang pagdating ni Obama sa Maynila ay dumaong na dito ang Arleigh Burke-class USS Fitzgerald para magbigay ng karagdagang seguridad sa APEC 2015.

Ang pahayag tungkol sa pagbibigay nang mga barko ng US sa bansa ay ginawa ni Obama kasabay ng pagdating din sa Maynila ni Chinese President Xi Jinping.

Kabilang ang Pilipinas sa mga bansa na mainit na bumabatikos at tumututol sa patuloy na reclamation activity ng China sa West Philippine Sea. 

BRP  Gregorio Del Pilar

Philippine Navy’s BRP Gregorio Del Pilar (PF 15) with Philippine Coast Guard ship BRP Edsa                                                                                                Image courtesy of Philippine Navy

Bukod sa pangako ni Obama na dagdag barko para sa bansa ngayong araw ay una nang napabalita ang posibleng pagtanggap ng Philippine National Police Maritime Group nang apat na barko mula din sa US ngayon ding Nobyembre.

Kabilang sa apat na barkong ginawa ng Willard Marine Inc. para sa PNP Maritime Group ay ang dalawang  34-foot patrol boat na may 600-hp engine at dalawang 30 foot patrol boat na may twin 480-hp engine. 

Ang mga tulong na ito ng US ay ginawa sa gitna ng nakabinbing petisyon sa Supreme Court tungkol sa legalidad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). 

Layon nang kasunduan sa pagitan ng US at Pilipinas na bigyan ng access sa mga pasilidad ng Armed Forces of the Philippines ang hukbong Amerikano.-DCR

 

 

Advertisements