Disqualification case laban kay Poe ibinasura ng SET

Poe1

Sen. Grace Poe during her declaration of oher 2016 presidential bid at the UP Bahay ng Alumni  Photo courtesy of Grace Poe Facebook Page

Ibinasura ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang disqualification case laban kay Sen. Grace Poe.

Sa botong 5-4 na ginanap sa Manila Polo Club ay tuluyang ibinasura ng SET ang inihaing petisyon ni Rizalito David na humihiling na matanggal si Poe sa pagka senador dahil sa residency issue nito.

Kabilang sa mga bumoto para maibasura ang petisyon at pinaboran ang argumento ni Poe ay sina Sen. Tito Sotto, Sen. Bam Aquino, Sen. Loren Legarda, Sen. Pia Cayetano at Sen. Cynthia Villar.

“Natanggap ko ang balita at nasabi na rin ito na paborable po tayong dineklara ng SET na hindi madi-disqualify.”

“Alam niyo po, hindi ko makakalimutan itong University of Perpetual Help System sapagkat dito ko nalaman ang magandang balita na yan,” pahayag pa ni Poe makaraang malaman ang paborableng desisyon ng SET.

Bumoto naman pabor sa disqualification case ni David sina Sen. Nancy Binay, Assoc. Justice Teresita Leonardo-De Castro, Assoc. Justice Antonio Carpio at Assoc. Justice Arturo Brion.

Sa kabila nang naging desisyon ng SET sa quo warranto petition ay pwede pa itong iapela ni David. 

Sakaling katigan pa rin ng SET ang nauna nitong desisyon ay pwede pang iakyat ng petitioner ang usapin hanggang sa Korte Suprema.

“Nais ko pong pasalamatan mula sa kaibuturan ng aking puso ang mga nanindigan para sa hustisya, ang mga nanindigan para sa mga batang abandonado at ampon, maraming salamat po Senator Tito Sotto, Senator Loren Legarda, Senator Cynthia Villar, Senator Bam Aquino, at Senator Pia Cayetano,” reaksyon pa ni Poe matapos matanggap ang balita. 

Ang senadora ay nasa Laguna at nag-iikot doon nang matanggap ang desisyon ng SET.-DCR

 

 

Advertisements