#APECtado: Baclaran Church hinarangan, mga Lumad ipinagtulakan ng PNP

Lumad1

Image courtesy of Kathy Yamzon 

Hinarangan ng napakaraming bilang ng Philippine National Police (PNP) ang daan-daang Lumad ngayong umaga dahilan para hindi makalabas ang mga ito sa compound ng Baclaran (Redemptorist) Church sa Parañaque City.

Tinangka ng mga Lumad na lumabas ng simbahan upang sumama sana sa malakihang protesta na ikinasa ng mga militanteng grupo ngayong araw kontra sa ginaganap na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Pasay City.

Sa kabila nito ay hindi na sila nakalabas ng simbahan dahil pinormahan agad ng mga pulis ang main gate ng nito. Ipinagtulakan din papasok ng mga pulis sa church compound ang mga Lumad ng magtangka ang mga itong umabante palabas.

Lumad2

Image from Kathy Yamzon 

Dahil dito ay napilitan na lamang ang mga katutubo na muling programa sa bakuran ng simbahan kung saan din sila nagkakampo. 

Para naman hindi marinig ang programa at talumpati ng mga Lumad ay isang malakas na sound system ang ipinarada at pinatugtog ng PNP sa harapan mismo ng simbahan.

Bukod sa napakaraming bilang ng pulis ay nakaantabay din sa lugar ang ilang truck ng Bureau of Fire Protection na handang magbuga ng tubig sa mga raliyista. 

Dahil na rin sa pinagbabawalan silang lumabas, kagabi pa lang ay ikinabit na ng mga Lumad sa bell tower ng Baclaran Church ang higanteng poster nila kung saan nakalagay ang mga katagang “JUNK APEC” tanda ng mariing pagtutol ng mga katutubo sa ginaganap na kumperensya dito sa bansa.

Inaasahan na makikita mismo ng mga delegado ng APEC ang malalaking banner dahil sa mismong Roxas Blvd. dumadaan ang karamihan sa mga ito.

Patuloy na nagkakampo dito sa Maynila ang mga Lumad upang iprotesta ang pagsira ng mga mining company sa kanilang mga lugar at ang patuloy umanong  militarisasyon doon sa pangunguna ng Armed Forces of the Philippines (AFP). 

Advertisements