China pinatitigil ang US sa pakikialam sa isyu ng West PH Sea

U.S. President Obama stands with Chinese President Xi during arrival ceremony at the White House in Washington

US President Barack Obama and Chinese President Xi Jinping during his official state visit in the US       Photo courtesy of Reuters/www.telegraph.co.uk

Mariing binatikos ng China ang naging pahayag ni United States President Barack Obama habang naririto sa Maynila tungkol sa nagaganap na tensyon sa West Philippine Sea.

Una nang nanawagan si Obama sa China matapos ang pakikipag-usap nito kay Pangulong Benigno Aquino III na kailangang matigil na ang nagaganap na reclamation sa West Philippine Sea para na rin sa patuloy na kapayapaan sa rehiyon. 

Ang panawagang ito ni Obama ay agad na binatikos ng Beijing.

Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesman Hong Lei, kung may dapat tumigil sa pakikialam sa usapin walang iba kundi ang Estados Unidos.

“If there is something that should stop, it is the United States should stop playing up the South China Sea issue, stop heightening tensions in the South China Sea,” mariin pang pahayag ng opisyal.

Ang pahayag ay ginawa ng Beijing habang naririto rin sa Maynila si Chinese President Xi Jinping. 

Si Obama at Xi ay kapwa dumadalo ngayon sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit kasama ang iba pang lider mula sa Asya Pasipiko tulad ng Japan, New Zealand, Chile, Indonesia, Canada, Russia, Malaysia, Taiwan, Hong Kong, South Korea, Peru at Thailand.

Bago nito ay inianunsyo rin ni Obama kasabay ng muli nitong pagbisita sa Pilipinas para sa APEC ang pagbibigay ng karagdagang tulong ng Amerika para sa mapalakas pa ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang kapabilidad.

Nangako si Obama na dalawang barko ang ibibigay muli ng US sa Pilipinas upang magamit sa mga pagpapatrulya nito sa karagatan.

Bago naman magsimula ang APEC Summit sa Maynila ay una ng hiniling ng China na huwag na munang pag-usapan sa kumperensya ang usapin sa agawan ng mga teritoryo sa West Philippine Sea lalo na at hindi ang APEC ang tamang venue para dito.-DCR

 

Advertisements