Dalawa sa 12 fighter jet ng Philippine Air Force darating na sa Biyernes

Light_Combat_FA-50_Fighting_Eagle

Photo courtesy of ROKAF

Darating na sa Biyernes ang dalawa sa kabuuang 12 FA 50 Golden Eagle fighter jet na binili ng bansa mula sa South Korea.

Makasaysayan ang araw na ito para sa Philippine Air Force (PAF) dahil ito ang unang pagkakataon simula noong 2005 na magkakaroon muli ng fighter jet ang bansa.

“This is historic because this is the first time we will have jet fighters since we decommissioned our jets in 2005. It will be the first time we will have a supersonic capability,”  pahayag ni Air Force spokesperson Col. Enrico Canaya.

Aabot sa  P18.9 bilyon ang ginasta ng gobyerno para sa pagbili nang nasabing mga eroplanong pandigma.

Ang hakbang ay bahagi pa rin ng Armed Forces of the Philippines modernization program.

Taong 2005 nang pinagretiro ng PAF ang mga F5 jet nito.

Ang mga bagong jet ay nakatakdang dumating sa Clark Air Base sa Pampanga sakay ang mga South Korean pilot nito.

Bago ang pormal na turnover sa dalawang bagong jet ay dadaan muna ito sa serye ng mga pagsusuri at test flight.

Ang hakbang na lalo pang palakasin ang pwersa at kakayahan ng AFP ay nagaganap sa gitna ng mainit na usapin tungkol sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Una nang nagkaroon ng mga bagong barko ang Philippine Navy kung saan pinakahuli dito ay ang pagkakaroon ng BRP Ramon Alcaraz at BRP Gregorio Del Pilar bukod pa sa mga landing ship mula naman sa Australia.

Sa katatapos lamang na pagtungo sa bansa ni US Pres. Barack Obama ay ibinalita din nito ang pagbibigay pa ng Amerika ng dalawang karagdagang barko upang mapalakas ang pwersang pandagat ng bansa.-DCR

Advertisements