COC ni Duterte sa pagka-Pangulo naihain na sa COMELEC

Bong Go and Duterte

Davao City Mayor Rodrigo Duterte while signing his certificate of candidacy for President. Beside him is his chief of staff Bong Go.  Image courtesy of Bong Go 

Naihain na  sa tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) sa Intramuros, Maynila ang kandidatura sa pagka-Pangulo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Sa pamamagitan ng isang kinatawan ay tinanggap na ng COMELEC ang certificate of candidacy (COC)  ni Duterte ngayong araw.

Naganap ito ilang sandali makaraan namang magtungo sa COMELEC-Davao ni Duterte upang iatras ang kanyang COC doon para sa pagka-alkalde ng lungsod.

Matapos mai-withdraw ni Duterte ang kanyang COC sa pagka-mayor ay naghain naman ang kanyang anak na si Inday Sarah Duterte ng kanyang substitute certificate of candidacy. 

Dahil dito si Sarah na ngayon ang tatakbo bilang mayor ng Davao habang tuloy na ang pagtakbo ng matandang Duterte bilang pangulo ng bansa.

Base sa COC na inihain sa COMELEC-Intramuros, si Duterte ay tumatakbo sa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipinas-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Bago ang balitang paghahain ni Mayor Duterte ng kanyang kandidatura sa Maynila ay isang larawan ang ipinaskil sa Facebook ng kanyang chief of staff na si Bong Go kung saan nagpapakita na pinipirmahan na ni Duterte ang kanyang COC para pagka-Pangulo.-DCR

Advertisements