“I am Left”- Duterte

Duterte with NPA

Davao City Mayor Rodrigo Duterte during his visit on undisclosed NPA camp     Image from politics.com.ph

Tahasang inamin ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang kanyang ugnayan at pagsuporta sa mga makakaliwang grupo sa bansa.

Ginawa ni Duterte ang pahayag kasabay ng kanyang proklamasyon bilang opisyal na pambato sa 2016 election ng Partido Demokratiko Pilipinas-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

“I am Left; I’ve always been allied with Bayan; I’ve never denied it.”  buong pagmamalaking pag-amin ni Duterte. 

Dati nang kilala bilang tagasuporta ng Communist Party of the Philippines si Duterte.

Hindi lang iisang beses na dinalaw ng alkalde ang mga kuta ng New People’s Army (NPA).

Kabilang sa mga kilalang sinusuportahan ng alkalde ay ang napaslang nitong kaibigan na si Leoncio Pitao o mas kilala bilang si Kumander Parago.

Sa kanyang talumpati sa deklarasyon ng PDP-Laban ngayong araw, muling isinulong ni Duterte ang kanyang mga programa sakaling manalo bilang pangulo.

Kabilang sa mga ito ang federalismo, paglaban sa droga, pagsugpo sa kriminalidad at pagtanggal ng korupsyon sa gobyerno.

Sinabi rin ni Duterte na kakausapin niya ang mga naglalabang pwersa sa Mindanao sakaling manalo upang maiayos ang kapayapaan sa rehiyon.

Ayon pa kay Duterte maging ang CPP ay kanyang kakausapin para makamit ang kapayapaan. Gagawin umano ito ng alkalde kahit pa sunduin niya si CPP founding chairman Jose Maria Sison sa The Netherlands.

Sinabi ni Duterte na naging propesor niya si Sison noong siya ay nag-aaral pa. Binanggit din ni Duterte ang pagiging miyembro niya noong ng Kabataang Makabayan na kilala bilang grupo na lumaban sa diktaturyang Marcos.-DCR

 

Advertisements