PH custody kay Pemberton iginiit ng BAYAN

Pemberton

Image courtesy of Kathy Yamzon 

Iginiit ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na dapat manatili sa kustodiya ng Pilipinas ang convicted na si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Si Pemberton ay nahatulang guilty sa kasong homicide matapos nitong mapatay ang Pinay transgender na si Jennifer Laude noong Oktubre 2014.

Sa desisyon ng Olongapo City Regional Trial Court ay inaatasan nito ang mga awtoridad na ikulong pansamantala si Pemberton sa New Bilibid Prison. 

Ito ay habang pinag-uusapan pa ng Amerika at Pilipinas kung saang pasilidad ipipiit si Pemberton sa loob ng anim hanggang 12 taon base sa ibinabang hatol ng hukuman.

“We now ask that Pemberton be placed in a PH penal facility, without special treatment. We continue to fight for the termination of the VFA which is the basis for the continuing presence of US troops in the country. Many of these soldiers go on rest and recreation trips which are usually the condition where crimes are committed. Bayan asks the public to remain vigilant so that the verdict will not be reversed as what happened with the case of US Marine Daniel Smith,” pahayag pa ni Bayan Secretary General Renato Reyes.

Bukod dito ay binatikos din ni Reyes ang tila pagbaba sa hatol ng hukuman kay Pemberton na ayon sa grupo ay dapat na murder at hindi homicide. 

Sa mga nakaraang pagdinig sa kaso ay inamin mismo ni Pemberton na sinakal niya sa pamamagitan ng kanyang mga bisig si Laude makaraang malaman na hindi babae ang kanyang nakuha para makipagtalik.

Sa panayam ng media sa abogado ng pamilya Laude na si Atty. Harry Roque sinabi nitong mali ang sinasabi ng korte na hindi nagkaroon ng abuse of superior strength dahil isang Marine ang salarin.-DCR

Advertisements