Mula Luzon hanggang Mindanao: Duterte nanguna sa pinakabagong SWS survey

Duterte

Davao City Mayor Rodrigo Duterte Image courtesy of Rody Duterte Facebook Page 

Muling nanguna si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pinakabagong presidential survey na ginawa ng Social Weather Station (SWS).

Sa survey na ginawa noong Nobyembre 26-28 ay lumabas na hindi lang sa mga geographic areas ng bansa nangunguna si Duterte bilang pinakagustong kandidato sa pagka-Pangulo, maging sa socioeconomic classes ay nanguna din ito.

Nakakuha si Duterte ng 38% dahilan para pangunahan ang survey. 

Ang mga katunggali nito sa pagka-Pangulo tulad nina Sen. Grace Poe at Vice Pres. Jejomar Binay ay kapwa nakakuha ng 21%.

Napunta naman sa ikatlong pwesto ang pambato ng Liberal Party na si Mar Roxas na mayroong 15% habang nakakuha ng 4% si Sen. Miriam Defensor-Santiago.

Lumabas na sa class ABC o ang tinatawag na upper at middle class sa bansa ay nakakuha si Duterte ng 62% habang pumangalawa lamang si Binay na mayroong 16% habang malayo sa ikatlong pwesto si Poe na mayroong 13%.

Pagdating naman sa class D at E o iyong mga nakakaranas ng kahirapan, si Duterte pa rin ang numero unong kandidato nila para sa pagka-Pangulo.

Nakakuha si Duterte sa class D ng 37% habang 32% sa class E.

Si Binay ay mayroong 21% sa class D at 26% naman ang kanyang nakuha mula sa class E.

Si Poe ay nakakuha ng 22% sa class D at 20% mula sa class E.

Si LP bet Roxas ay mayroon lamang 15% mula sa class D at 17% mula sa class E.

Nasa hulihan pa rin si Santiago na mayroong 4% mula sa class D at 5% mula sa class D.

Ang pambato naman ng administrasyon na si Roxas na kilalang miyembro ng upper class sa bansa ay nakakuha lamang ng 6% habang 1% lamang ang naitala ni Santiago.

Kung pagbabasehan naman ang resulta ng survey base sa mga geographic location ng bansa nangunguna pa rin si Duterte sa Metro Manila kung saan nakapagtala ito ng 48%. 

Pumangalawa dito si Poe na may 22% habang nakapagtala lamang ng 18% si Binay.

Napunta naman sa pang-apat na pwesto si Roxas na may 7% lamang at si Santiago na may 3%.

Sa kabuuan ng Luzon kung saan hindi na kasama ang Kamaynilaan ay halos tabla ang resulta ng survey kung saan nakakuha sina Duterte ng 26%, Binay 27% at Poe 28%. 

Pagdating sa Visayas at Mindanao top choice pa rin si Duterte na mayroong 44% at 50%. 

Sa Visayas ay pumangalawa lamang si Roxas na mayroong 20% habang 16% lamang ang nakuha rito ni Poe. Si Binay ay mayroon lamang 14% habang si Santiago ay nakakuha lang ng 5%.

Pumangalawa naman sa Mindanao si Binay na may 18%, pangatlo si Roxas na nakakuha ng 16% habang nasa pang-apat na pwesto si Poe na may 13% at panghuli si Santiago na may 2%.

Nagpapasalamat naman si Duterte sa biglang pagtaas ng kanyang rating matapos ang ginawang survey. Muli ring sinabi ng alkalde na tutuparin niya ang kanyang sinumpaan tungkulin sakaling manalo sa darating na halalan.-DCR

Advertisements