Roxas hinamon si Duterte ng sampalan

Mar Roxas Digong Duterte

Liberal Party presidential candidate Mar Roxas and Davao City Mayor Rodrigo Duterte       Image courtesy of CNN Philippines

Hinamon ni Liberal Party bet Mar Roxas si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na magsampalan sila kung hindi mapapatunayan ng alkalde ang mga alegasyon nito laban sa kanya.

Nag-ugat ang mainit na palitan ng salita ng dalawa matapos lumabas ang isang artikulo sa The Philippine Star kung saan sinabi ni Duterte sa isang pagtitipon na sasampalin nito si Roxas. 

“Pag-magkita kami sa isang kanto dito sa kampanya, sampalin ko yang gagong yan (Roxas),” pahayag ng alkalde.

WHARTON AT ISYU SA BAGYONG YOLANDA

Ang naturang reaksyon ay nasabi ni Duterte tungkol sa naging pagtugon ng gobyerno noong panahon na manalasa ang bagyong Yolanda sa bansa kung saan lubos na naapektuhan ang Kabisayaan.

“I told him Mar, you are looking for men connected with the city government, and for all you know they are already dead. Do not look for these people here because all of them are victims. Do not create energy here because there is none. You call the army, tell them to come here to clean the place,” pahayag pa ng alkalde. 

Lalo pang uminit ang sitwasyon nang punahin noong nakaraang linggo ni Roxas ang peace and order situation sa Davao City. 

Ayon kay Roxas, isang kathang isip lamang na maayos ang sitwasyon ng seguridad sa naturang lungsod.

Ang naturang pahayag ay hindi naiwasang hindi sagutin ni Duterte. 

“He said that the peace and order in Davao city is a myth. I’d like to ask the presidentiable, you claim that you have graduated from the Wharton School of Economics, that is a myth. ”  

“You did not graduate from the Wharton School of Economics, Mr. Roxas.” 

“Your name is not on the list of those who graduated from a four or five-year degree courses, ask Wharton,” pahayag pa ni Duterte. 

TUGON NI ROXAS

Agad namang sinagot ng kampo ni Roxas ang paratang ni Duterte na hindi ito nagtapos sa Wharton School.

Ang Wharton School ay isang kolehiyo na nasa ilalim ng University of Pennsylvania. 

Sa isang website ay positibong nakumpirma ng The Manila Journo  na si Roxas ay nagtapos sa Wharton School ng kursong Bachelor of Science in Economics noong 1979.

Alam mo Digong, ang turing ko sa iyo, kaibigan. Nirespeto kita, pinahalagahan ko ang aking pagkakaibigan sa iyo, pero mabuti na rin lang na nakita na natin ang katotohanan ng pagkatao mo,” pahayag ni Roxas. 

Hinamon din ni Roxas ang alkalde ng Davao na ituloy nito ang bantang pagsampal nito sa kanya sakaling sila ay magkita.

“Kung hindi totoo ang Wharton degree ko, sampalin mo ako. Hindi ako iiwas o iilag. Pero kung totoo ang Wharton degree ko, sasampalin kita. O ayan. Ang bilis mong magsalita na hindi mo alam eh,” tugon ni Roxas sa naunang pahayag ni Duterte makaraang kapanayamin ng mga miyembro ng media ngayong araw. 

Sampalin niya ako, punta siya dito. Kundi, punta ako Davao, sampalin niya ako sa airport. Tingnan natin. Ang mahirap kay Mayor Digong Duterte, nasanay siya sa one-man rule, nasanay siya na kung hindi niya nakukuha ang gusto niya, kung may nagsasabi sa kanya ng katotohanan ay mananampal nalang siya o pagbubuhatan niya ng kamay. Subukan natin, tingnan natin,” hamon pa ni Roxas kay Duterte.-DCR

Advertisements