Sorsogon kasalukuyang binabayo ng bagyong Nona

15

Screenshot from the video of Emil Aniban

Nararanasan na ng mga taga Sorsogon ang tindi ng hagupit ng bagyong Nona (Melor) sa kanilang lalawigan.

Habang isinusulat ang balitang ito ay kasalukuyan namang binabayo ng malalakas na hangin at ulan ng bagyo ang buong lalawigan.

Ayon kay Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) Dir. Ruben Dimaano, on and off na ngayon ang kuryente sa kanilang lalawigan.

Sa bahagi umano ng Sorsogon City ay pabugso bugso na ang ulan.

Nagpatupad na rin ang mga alkalde ng bawat bayan doon ng force evacuation partikular sa mga nakatira malapit sa baybaying dagat.

Sa huling weather forecast ng PAGASA ngayong 5:00 ng hapon, huling namataan ang bagyong Nona sa ibabaw ng Sorsogon kung saan ito nag-landfall.

Nakita ang mata ng bagyo bandang 4:00 ng hapon kanina sa bahagi ng Bulusan.

Kumikilos ito ngayon pa-kanluran patungo sa direksyon ng Burias Island.

Taglay ng bagyong Nona ang lakas ng hangin na aabot sa 150 kph at may pagbugsong umaabot sa 185 kph. 

Kumikilos ngayon ang bagyo sa bilis na 17 kph.

18.png

Image courtesy of PAGASA-DOST

Nakataas na ang public storm signal number 3 sa mga lalawigan ng Sorsogon, Masbate kasama ang  Ticao at Burias Islands, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Catanduanes, Southern Quezon, Marinduque, Romblon at Northern Samar.

Nasa ilalim naman ng public storm signal number 2 ang mga probinsya ng Batangas, Rizal, Laguna, Cavite,natitirang bahagi ng Quezon kasama ang Polillo Island, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro , Lubang Island, Eastern Samar, Samar at Biliran.

Ang public storm signal number 1 naman ay nakataas sa mga lugar ng Metro Manila, Bulacan, Bataan, Pampanga, Southern Zambales, Southern Aurora, Coron, Leyte, Northern Cebu kasama ang  Bantayan at Camotes Islands, Aklan, Capiz, Northern Antique, Northern Negros Occidental at Northern Iloilo.

Sinabi ni PAGASA weather forecaster Aldczar Aurelio na inaasahang dadaan ang mata ng bagyo ngayong gabi sa Burias Island.

Bukas ng hapon ay inaasahan ang ikaapat na pagtama sa lupa ng bagyo sa bahagi ng Mindoro.

Dadaan din ang bagyo sa pagitan ng  Marinduque at Romblon bukas ng gabi.

Ang diameter ng bagyo ay aabot sa 400 km kaya inaasahan na mararamdaman simula bukas ng umaga ang epekto nito sa Metro Manila kung magpapatuloy ang tinatahak na direksyon.

Inaasahan na lalabas sa kalupaan ng bansa ang bagyo bukas din ng gabi at tuluyang lalabas sa Philippine area of responsibility sa Biyernes.-DCR

Advertisements