Roxas kay Duterte: ‘Hindi kita aatrasan’

roxas duterte

Images from politics.com.ph

“Kung hindi ka pa nakaharap ng iyong katapat Digong, andito ako hindi kita aatrasan.”

Ito ang binitiwang salita ni Liberal Party (LP) presidential candidate Mar Roxas para kay PDP-Laban presidential bet at Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pinakahuling serye ng kanilang patutsadahan. 

“Talk, talk, talk yan nalang ginagawa mo Digong eh, daldal ng daldal, Cubao Quezon City, aantayin kita. Alam nyo, itong tigas-tigasan, itong siga-siga, bumenta na yan eh, gasgas na yan, ako galit ako sa bully, galit ako sa mga nagsasamantala, galit ako sa mga naghahari-hari, galit ako sa mga mabibigat ang kamay, galit ako sa mga tao na akala nila na sila lang ang kapangyarihan dito sa bansa natin.” 

Ito ang mga naging pahayag ni Roxas matapos makapanayam ng midya ngayong araw. 

Nag-ugat ang palitan ng salita sa pagitan ni Duterte at Roxas makaraang sabihin ng alkalde na sasampalin niya ang pambato ng LP sakaling magkita sila sa panahon ng kampanya.

Nasabi ito ni Duterte bilang reaksyon sa naging pagkilos umano ni Roxas matapos manalanta ang bagyong Yolanda sa Kabisayaan.

Bukod dito ay kinwestyon din ng alkalde ang credential ni Roxas at nanindigan na hindi nagtapos sa Wharton School of Economics ang dating kalihim ng DILG.

Agad naman itong kinontra ni Roxas at sinabing handa siyang magpasampal kay Duterte kung mapapatunayan nito na hindi totoo ang kanyang Wharton credentials.

“Kaya kung hindi ka pa nakaharap ng iyong katapat Digong, andito ako hindi kita aatrasan, ako ay para sa rule of law, ako ay para sa kaunlaran ng ating bansa, ako ay para sa progresso ng ating bansa, lahat itong mga sinasabi mo sampalan, ganun-ganun, anong kinalaman niyan sa buhay ng 100 million Filipinos?”

“Gawin mo nalang kung ano gusto mong gawin at sampalan? Bakit sampalan? pambabae yan, suntukan nalang diba? Simpleng simple lang ito, ako naman eh mahinahong tao at nakatutok para sa kabutihan ng ating bansa,” pahayag pa ni Roxas.

Tinawag din ni Roxas na isang bully si Duterte.

Sinabi pa nito na maging siya ay nadismaya sa kanyang sarili matapos patulan ang “sampal comment” mula sa pambato ng PDP-Laban.

Alam nyo, yun ay isang siguro hindi ako nakapag pigil at ako rin mismo nadidismaya ako sa sarili ko na na-distract ako no. Tayo po ay tumatakbo sa pagkapangulo dahil nais natin ihaon ang ating bansa, tumatakbo ako sa pagkapangulo dahil itong mga bully, itong mga nagsasamantala, itong mga humahadlang sa kaginhawaan ng ating mga kababayan, sila ang dapat na labanan at talaga namang lalaban natin sila,” pahayag pa ni Roxas. -DCR

 

Advertisements