Grace Poe tuluyan nang dinisqualify ng COMELEC

56

Sen. Grace Poe       Image courtesy of Grace Poe Facebook Page

Tuluyan nang diniskwalipika ng Commission on Elections (COMELEC) en banc si Sen. Grace Poe sa pagtakbo bilang pangulo sa nalalapit na 2016 elections. 

Sa desisyon ng COMELEC en banc sa mga disqualification case laban sa senadora lumalabas na karamihan sa mga commissioner ay naniniwala na hindi natural-born Filipino citizen si Poe at kulang ang residency nito upang mapunan ang hinihinging residency requirement para sa mga tumatakbo sa pagka-pangulo.

Sa botong 5-2 tuluyang ibinasura ng COMELEC en banc ang motion for reconsideration na inihain ng grupo ni Poe para sa naunang desisyon ng First Division.

Sa botong 5-1-1 naman ay kinatigan ng COMELEC en banc ang naunang desisyon ng Second Division na nagdi-disqualify din sa senadora upang tumakbo bilang pangulo.

Matatandaan na ang disqualification case na dinesisyunan ng First Division ay pinagsama-samang kaso na inihain nina De La Salle University professor Antonio Contreras, dating Sen. Francisco Tatad  at dating University of the East College of Law dean Amado Valdez.

Ang kaso naman sa Second Division ay inihain ni Atty. Estrella Elamparo.

Agad namang kinwestyon ng kampo ni Poe ang naging hakbang ng COMELEC na ilabas ang desisyon ngayong holiday season kung kailan mahihirapan na silang makakuha ng temporary restraining order (TRO) mula sa Korte Suprema.

Base sa naging desisyon ng COMELEC, may limang araw lamang si Poe para makakuha ng TRO at kung hindi ay mapipilitan ang komisyon na alisin ang kanyang pangalan sa opisyal na listahan ng mga kandidato na ilalagay sa balota.

Sa pahayag naman mula sa Facebook Page ng senadora, sinabi nitong hangga’t walang pinal na desisyon ang SC ay nananatili pa rin siyang kandidato sa pagka-pangulo.

“Ako po ay mapagkumbabang nagpapasalamat sa ating mga kababayan sa kanilang patuloy na tiwala. Ipagpapatuloy ko po ang pag-iikot sa buong bansa upang ibahagi ang pangako ng isang gobyernong tunay na tutulong at maglilingkod para sa sambayanang Pilipino. Ito ang inaalay nating uri ng pamumuno para sa bayan. Samantala, habang wala pang desisyon ang Supreme Court, ako po ay nananatiling kandidato sa pagkapangulo. Walang iwanan,” pahayag pa ng kampo ni Poe.-DCR

Advertisements