Campaign group ni Duterte nagsimula nang kumilos

Duterte

Campaign manager Mayor Jun Evasco during the two day conference of Duterte’s campaign team in Davao City       Photo courtesy of Inday Sara Duterte Facebook 

Nagsimula nang magpakita ng lakas at pwersa ang mga tagasuporta ni Davao City mayor at presidential aspirant Rodrigo Duterte.

Kasabay ito nang pagdaraos ngayong araw ng two day convention sa Davao City nang magiging campaign group ng alkalde para sa nalalapit na panahon ng kampanya.

Layon ng Duterte campaign group na mas maipaliwanag pa sa taumbayan ang mga plataporma ng kanilang kandidato.

Kabilang sa mga platapormang ito ay ang pagsupil sa krimen at korupsyon, pagpapataas sa antas ng pamumuhay ng bawat Pilipino, pagpapa-unlad pa sa ekonomiya para sa kapakinabangan ng lahat, lalo pang palakasin ang kakayahan ng gobyerno na tumugon sa pangangailangan ng mga tao at pagpapanatili ng kapayapaan sa bawat tahanan at buong bansa.

Sa pangunguna ng campaign manager ni Duterte na si Maribojoc, Bohol Mayor Leoncio Evasco ay nagtitipon ngayon sa Davao City ang mga tagasuporta ng alkalde mula sa iba’t ibang parte ng bansa upang ilatag ang mga gagawin nilang hakbang sa panahon ng kampanya.

Ayon kay Evasco, humuhugot sila ng lakas at kasanayan mula sa ibinunga nang ginawang pag-iikot ni Duterte sa buong bansa nitong mga nakaraang buwan kasabay ng pagtalakay nito sa isinusulong na federalismo.

“We have survived the uncertainty. We expect you to be on time. We ask you to leave behind you preconceived notions. Duterte may not have the machinery or money but we should be inspired by David (David vs Goliath), The future of our country rests in our hands. Let’s be part of history.” pahayag pa ni Evasco sa mga tagasuporta ng alkalde.

Sinabi pa ni Evasco na layunin sa pag-organisa ng campaign team ni Duterte na maabot  hindi lang ang mga botante kundi pati ang mga tagakampanya  para sa alkalde.

Aniya, ang kampanya ni Duterte ay sasandal sa lakas, dedikasyon at pagiging malikhain ng taumbayan na sumusuporta kay Duterte.

Sa pagtatapos bukas ng kanilang pagpupulong sinabi ni Evasco na sisimulan na nila ang pag-oorganisa sa mga volunteer at iba pang campaign group ni Duterte sa bawat rehiyon at syudad sa bansa maging sa ibayong dagat.-DCR

Advertisements