#UWB666| Pangha-harass ng isang taxi driver sa kanyang pasahero nakunan ng video

tsuper.PNG

Unidentified driver of a taxi with plate number UWB 666       TO VIEW FULL VIDEO CLICK HERE

 

Nakunan ng video ng isang pasahero ang ginawang pangha-harass sa kanya ng isang barumbadong taxi driver matapos hindi makuntento ang tsuper sa ibinayad ng biktima.

Sa viral video na iniupload sa Facebook ng biktimang si Joanna Garcia, makikita ang hindi nakilalang taxi driver habang galit nitong pinabababa ang biktima.

Sa salaysay ni Garcia sa Facebook, sumakay siya sa isa sa mga nakapilang taxi (UWB 666) sa SM North saka nagpahatid sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA). 

Ayon kay Garcia, pagsakay pa lamang niya at pagkasabi ng kanyang destinasyon ay pinresyuhan agad siya ng P250 ng tsuper, sa kabila nito ay sinabi niyang may metro naman. 

Dahil sa walang ibang narinig na salita, inakala ni Garcia na maayos ang lahat.

Nang makarating sa destinasyon ay pumatak ang metro sa halagang P140 kaya nagbayad ang biktima ng P200 at hiningi ang sukling P50.

Dito na umano nagsimulang magalit ang abusadong tsuper at minura ang biktima.

Ayon sa tsuper P350 dapat ang ibayad ni Garcia dahil sinabi nitong i-metro na lamang ang byahe at ito na ang bahala.

Bukod sa hindi pagbibigay ng sukli ay minura umano siya ng tsuper. Makaraang mapansin ng drayber na siya ay kinukunan ng video ay sinapok nya umano ang biktima.

Dito na umano nagpasya si Garcia na bumaba subalit hinabol pa siya ng tsuper saka tinangkang muling saktan. Nagbago lamang umano ang reaksyon ng tsuper nang mapansin na madaming tao sa lugar.

Matapos nito ay agad din umanong humarurot ang abusadong tsuper.

Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy sa pagkalat ang video.

Sa ngayon ay mayroon na itong 96 thousand views, 3,935 shares bukod pa sa nakuha nitong napakaraming likes at comments mula sa mga netizens na kumokondena sa pangyayari.– DCR

Advertisements