Kolehiyala patay matapos mahulog sa condo roof deck dahil sa ‘selfie’

24

Image screenshot from TV5 video 

Patay dahil sa pagse-selfie ang isang kolehiyala makaraang malaglag mula sa roof deck ng isang condominium tower sa Ermita, Maynila Martes ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Kristina Marie Pagalilauan 19-anyos at kumukuha ng kursong Mass Communication sa Adamson University.

Sa tala ng Manila Police District Homicide Division, kasama ni Pagalilauan ang kaklaseng si Jonea Mildred Ani nang maganap ang insidente.

Napagdesisyunan umano ng magkaibigan na umakyat sa ika-20 palapag ng Dahlia Tower, Suntrust Parkview Condominium sa Natividad St. para kumuha ng selfie. 

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na may isang bahagi ng pader sa gusali ang patuloy na ginagawa at wala pang harang kung kaya madali itong akyatin.

Dito umano tumuntong ang biktima para magpakuha muli ng litrato.

Hindi nakita ni Ani na  nalaglag ang kaklase subalit alam niyang paakyat ito sa pader.

Ayon sa salaysay ni Ani, hindi niya nakitang tumuntong ang kaibigan sa pader, nagsabi lamang umano ito na sasampa ito at nakisuyo na kunan siya ng larawan.

Abala umano si Ani sa pagtingin sa mga larawang una na nilang kinunan gamit ang cellphone subalit sinaway pa niya ito at sinabihan na huwag nang umakyat dahil baka mahulog.  

28

Huli na ng makita niyang nalaglag ang kaibigan at nakalugmok sa ground floor ng gusali.

Wala namang makitang foul play ang pulisya sa insidente.

Sa ngayon ay iniimbestigahan pa rin ng mga awtoridad kung may kapabayaan na nangyari sa parte ng condominium.-DCR

 

 

Advertisements