US national anthem ginamit sa Grace Poe propaganda video

 

Trending ngayon sa social media ang unofficial campaign video ni Sen. Grace Poe kung saan ginamit na background music ang pambansang awit ng Estados Unidos.

Sa video na ini-upload sa Facebook page ng Backroom Politics ay mapapanood ang pagtugtog ng background music na walang iba kundi ang “Star Spangled Banner” na pambansang awit ng Amerika. 

Kasabay nito ay nilapatan ng ibang lyrics ang musika na tumatalakay sa Galing at Puso na tema sa pagtakbo sa pagka-pangulo ni Poe.

Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 412,000 views ang music video.

Hati naman ang opinyon ng netizen sa inilabas na unofficial propaganda material para kay Poe.

May mga nagsasabing paglabag ito sa patakaran ng Amerika hinggil sa kanilang national anthem.

Sinabi naman ng iba na isa itong pambabastos sa US national anthem.

Ang ilan naman ay nagsabing isa itong uri ng black propaganda upang lalong papangitin ang imahe ng senadora.

23

Matatandaan na mainit na usapin pa rin hanggang ngayon ang pagkwestyon sa citizenship ni Poe.

Ilan sa mga kritiko ni Poe ay naghain ng disqualification case laban sa kanya dahil sa argumentong siya ay hindi isang natural-born Filipino.

Kinikwestyon din ng kanyang mga kritiko ang residency ng senadora sa Pilipinas dahil sa matagal niyang pagtira sa Amerika.

Giit pa ng ilan niyang kritiko, hindi dapat payagan ng Commission on Elections na kumandidato si Poe matapos nitong itakwil ang kanyang pagka-Pilipino kapalit ng paninirahan sa US.

Ang mga kasong ito ngayon ay iniakyat na sa Korte Suprema para mapagdesisyunan ng mga mahistrado.

24

Bago matapos ang 2015 ay nakakuha pa si Poe ng paborableng hakbang mula sa SC matapos itong magpalabas ng temporary restraining order na nag-aatas sa COMELEC na huwag tanggalin sa opisyal na listahan ng mga kandidato at sa balota ang pangalan ni Poe habang hindi pa pinal na nagbababa ng hatol ang korte sa kaso.

Una na ring sinabi ni Poe na nagtitiwala siya sa sistema ng katarungan sa bansa at optimistiko ang kanyang kampo na sa huli ay magiging paborable sa kanila ang magiging desisyon ng mga mahistrado ng SC.-DCR

 

Advertisements