Philippine Red Cross handa na sa dagsa ng higit 10 milyong deboto ng Itim na Nazareno

50.jpg

Image courtesy of Philippine Red Cross 

Handa na ang Philippine Red Cross (PRC) sa dagsa ng milyun-milyong deboto ng Itim na Nazareno sa pagdaraos ng Traslacion sa Sabado Enero 9.

Sa pagtaya ng mga awtoridad, maaaring mahigitan ng Traslacion 2016 ang 10 milyong bilang ng mga dumalong deboto ng Señor Nazareno noong nakaraang 2014 at 2015 dahil tumapat sa araw ng Sabado ang okasyon.

Sa pahayag ng PRC, magtatalaga sila ng nasa 400 nilang mga tauhan para tumulong sa mga mangangailangan ng atensyong medikal sa araw ng Traslacion.

Bukod dito ay idi-deploy din ng Red Cross ang nasa 20 ambulansya nito, apat na rescue boat, dalawang humvee vehicle, dalawang 6×6 truck, isang rescue truck, isang fire truck at isang fire tanker.

Aabot sa 18 first aid station ang ilalatag ng PRC sa buong ruta ng Traslacion mula sa Quirino Granstand hanggang sa bahagi ng Quiapo Church.

Magtatayo rin ng field hospital sa bahagi ng Bonifacio Shrine ang Red Cross bilang dagdag na ayuda sa gaganaping okasyon.

Kabilang sa mga lugar na pupwestuhan ng first aid station ay ang mga sumusunod: Quirino Grandstand, Museo Pambata, Kalabaw statue sa Luneta Park, Katigbak (police station side), dalawang  first aid stations sa bahagi ng  Aquino Monument, Roundtable, National Museum, Bonifacio Monument, Philippine Post Office building, MacArthur Foot Bridge, Escolta St. malapit sa Savory restaurant ruins, Santa Cruz Church, Palanca St., Nepomuceno/Tanduay St., Plaza Carmen, Isetann Recto, at 7-11 sa tabi ng Quiapo Church.

Nakipag-ugnayan na rin sa Ospital ng Maynila, San Juan de Dios Hospital, Philippine General Hospital, Tondo General Hospital, Jose Abad Santos Mother and Child Hospital, Dr. Jose Reyes Memorial Medical Center, at Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang PRC para mapaghandaan ang pagdadala nila sa mga pasyenteng mangangailangan ng atensyong medikal.

Bukod sa mga nabanggit ay inihahanda na rin ng Red Cross ang mga karagdagan nitong asset at communication equipment na gagamitin para sa operasyon nila sa malaking prusisyon na magaganap sa Sabado.-DCR

Advertisements