Election gun ban nagsimula na

COMELEC

PNP Chief Ricardo Marquez (left) with COMELEC Chairman Andres Bautista and NCRPO Dir. Joel Pagdilao during the conduct of police checkpoint in Katipunan, Quezon City           (Image from PNP)

Opisyal nang ipinatupad ng Commission on Elections (COMELEC) at Philippine National Police (PNP) ang gun ban noong Linggo January 10.

Ang gun ban ay tatagal hanggang June 8, 2016 o halos isang buwan makalipas ang May 9 National and Local Elections.

Dahil dito tanging mga unipormadong miyembro lamang ng PNP, Armed Forces of the Philippines at ang mga makakakuha ng special permit mula sa COMELEC ang papayagang magbitbit ng baril.

Dahil dito pansamantalang sinususpinde ang pagiging epektibo ng mga inilabas na Permits to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR), Mission Order at Letter Order.

Kasabay ng pagpapatupad ng gun ban ay nagsimula na ring maglatag ng checkpoint sa buong bansa ang PNP. 

Batay sa regulasyon ng PNP kailangan na hindi bababa sa walong pulis ang nagmamando sa bawt checkpoint.

Nakalagay rin umano dapat ang malaking paskil tungko sa checkpoint na naglalaman ng election officer na nakakasakop ng lugar ng checkpoint at contact number nito bukod pa sa pangalan ng hepe ng mga pulis sa lugar.

Ipinababatid din sa lahat na “visual search” lamang ang maaaring gawin ng mga pulis. Hindi maaaring pilitin ng mga nagmamando sa checkpoint ang isang motorista o mga nakasakay sa sasakyan na bumaba para kapkapan o halughugin ang kanilang mga sasakyan ng walang kaukulang dahilan.

Sa parte naman ng AFP sinabi nitong handa silang maglagay ng checkpoint sa mga lugar kung saan kakaunti ang mga nakatalagang pulis. (Demetrio Ragua)DCR

Advertisements