EDCA, sang-ayon sa Saligang Batas- Supreme Court

edca

US President Barack Obama and Philippine President Benigno Aquino III   (Image courtesy of PBCI)

Makasaysayan ang ginawang hatol ng Supreme Court (SC) ngayong araw matapos itong magdesisyon na sang-ayon sa Saligang Batas ng bansa ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sa botong 10 pabor, apat na hindi pabor at isang abstention ay tinuldukan ng SC ang kwestyon sa legalidad nang nasabing kasunduan.

Kabilang sa mga nagsabing labag sa Konstitusyon ang EDCA ay sina Associate Justices Teresita Leonardo-De Castro, Arturo Brion, Estela Perlas-Bernabe, at Marvic Leonen.

Sa ilalim ng EDCA ay pinahihintulutan nito ang mga tropang Amerikano na magdaos ng mga aktibidad sa bansa, mag-imbak ng armas, magtayo ng mga pasilidad at gumamit ng mga pasilidad na kontrolado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa loob ng 10 taon.

Kinikilala ng SC na ang EDCA ay isang “executive agreement” at man mandanto ang isang pangulo na pumasok sa mga ganitong klaseng kasunduan.

Hindi rin kinilala ng SC ang posisyon ng Senado na dapat dumaan sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang usapin ng EDCA dahil ito ay isang kasunduan.

Sa pahayag ng SC ang EDCA ay isang instrumento para ipatupad ang isang umiiral nang kasunduan tulad ng Visiting Forces Agreement.

Matatandaan na Abril 2014 pa nang lagdaan ang kasunduan.

Naganap ito sa gitna nang patuloy na panghihimasok ng China sa mga teritoryong inaangkin ng Pilipinas.

Nanindigan naman ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na labag sa itinatadhana ng Konstitusyon ang EDCA.

Naniniwala ang grupo na walang maidudulot na paborable sa bansa ang pananatili nang mas marami pang bilang ng mga tropang Amerikano.

Ayon pa sa grupo, ikinokonsidera nila ang paghahain ng motion for reconsideration matapos ang inilabas na desisyon ng SC lalo pa at hindi unanimous ang desisyon ng mga mahistrado.-DCR

Advertisements