Opisyal ng AFP at isang Chinese timbog sa raid ng PDEA

Marcelino

Former PDEA director general Dionisio Santiago (left)  with then Major Ferdinand Marcelino (right)   (Image from flickr.com)

 

Nadakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang Chinese at isang mataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isinagawang raid ng ahensya kaninang madaling araw sa Maynila.

Nakilala ang mga nadakip na sina Col. Ferdinand Marcelino at Yan Yi Shou.

Nabatid na si Marcelino ay ang direktor ng PDEA Special Enforcement Services noong panahon ni dating director general Dionisio Santiago.

Matapos manilbihan sa PDEA ay napunta sa Philippine Marines si Marcelino at napag-alaman na konektado ito ngayon sa MIG 4 (Military Intelligence Group-4) ng AFP. 

Lumalabas din na si Yan ay isang interpreter na dati ng ginagamit ng PDEA sa ilang operasyon nito.

Base sa impormasyon, ikinasa ng PDEA kaninang madaling araw ang operasyon sa bahagi ng Felix Huertas kanto ng  Batangas St. sa bahagi ng Sta. Cruz.

Dito ay nadiskubre ng mga ahente ng PDEA ang isang shabu laboratory kung saan nakakumpiska sila ng humigit kumulang P320 milyong halaga ng shabu. 

PDEA NAGULAT SA PRESENSYA NI MARCELINO

Sa kabila ng ikinasang raid ng PDEA, nagulat ang mga kagawad ng ahensya na makita at maabutan sa lugar ang dati nilang kasamahan at opisyal na si Marcelino.

Ayon sa kasalukuyang pinuno ng PDEA na si director general Arturo Cacdac Jr. inamin nito na maging sila ay nagulat sa pangyayari.

Inamin din ni Cacdac na wala sa watchlist ng Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Group at maging sa kanilang watchlist.

Nalulungkot man ay sinabi ng pinuno ng ahensya na ikinokonsidera na nilang suspek ngayon si Marcelino dahil nahuli ito sa lugar kung saan sila nagsagawa ng operasyon.

FRAME UP O HINDI? 

“I hope he was not framed. Sa tingin ko hindi.” 

Ito ang sinabi ni Santiago na dating pinuno ni Marcelino noong nasa PDEA pa ito sa panayam na ginawa ng Superadyo DZBB ngayong tanghali.

Maging ang retiradong heneral na namuno dati sa PDEA ay nagulat sa pagkakadawit ng dati niyang tauhan.

Sa kabila nito sinabi ni Santiago na mas makabubuting hayaan munang makapagsagawa ng imbestigasyon ang PDEA sa insidente.

Sa isang ambush interview naman sa mga mamamahayag kaninang umaga sinabi ni Marcelino na naroon siya sa lugar para magsagawa ng intelligence work.

Aniya, nagkasalubong lang ang tropa nila ng mga taga PDEA.

Ayon pa kay Marcelino, may mission order sila at iba pang dokumento na pwedeng magpatunay kung bakit naroon siya sa nadiskubre shabu laboratory sa Sta. Cruz.

Para naman kay Santiago, mas mabuting magsabi ng katotohanan si Marcelino upang maliwanagan ang insidente.-DCR

Advertisements