PNoy sa mga tiwali: ‘Walang forever’

PNoy

Philippine President Benigno Aquino III  (Image courtesy of PNoy Facebook Page)

Ilang buwan bago tuluyang bumaba sa pwesto muling nagpapaalala si Pangulong Benigno Aquino III sa mga tiwali sa gobyerno.

Sa pahayag ni PNoy para sa awarding ceremony ng Ten Accomplished Youth Organizations (TAYO) sa Malacañang na binasa ni Communications Sec. Sonny Coloma, sinabi ng Pangulo ang sikat na linyang ‘walang forever’. 

“Walang forever para sa kurap at sa ating paghihirap,” pahayag ni PNoy.

Ayon pa sa Pangulo nais niyang maging mas maayos ang Pilipinas kapag iniwan na niya ito sa sinumang papalit sa kanyang pwesto.

“Simple lang ang pangarap ko, ang ipamana sa mga susunod na henerasyon ang isang bansang hindi hamak na mas maunlad, mas mapayapa at mas matatag kaysa sa ating dinatnan.”

Sa kabila nito nagpahayag nang pagtitiwala si Aquino sa mga dumalo sa seremonya na ang pambato ng kanyang administrasyon ang kanilang iboboto sa darating na halalan.

“Haharap pong muli ang sambayanan sa isang sangandaan kung saan pipili tayo ng mga susunod na pinuno ng bayan. Kumpiyansa akong pipiliin ng ating mga boss ang tapat, malinis, marangal at walang dudang magtutuloy ng daang matuwid,” pahayag pa ng Pangulo.

Hindi man tuwirang binanggit alam ng lahat sa okasyon na ang tinutukoy ni PNoy ay si Liberal Party bet Mar Roxas.

Bitbit ni Roxas ang mga katagang ipagpapatuloy nito ang ‘Daang Matuwid’ na sinimulan ni PNoy. 

Sa kabila nito tila naman sadsad pa rin ang rating ng pambato ng administrasyon na halos nasa pangatlo hanggang pang-apat lamang sa mga nakaraang survey.-DCR

Advertisements