Roderick Paulate at tatlong iba pang opisyal ng QC sinibak ng Ombudsman

Paulate

Sinibak na sa pwesto ng Office of the Ombudsman si Quezon City 2nd district councilor Roderick Paulate kasama ang iba pang opisyal ng lungsod dahil sa kasong may kaugnayan sa pagkakaroon nila ng ‘ghost employees’.

Bukod kay Paulate ay sibak din sa pwesto si QC 1st district Rep. Franciso Calalay at mga city liaison officer na sina Flordeliza Alvarez at Vicente Bajamunde.

Napatunayang guilty sa falsification of official documents, serious dishonesty at grave misconduct ang apat na opisyal.

Taong 2012 pa ng patawan ng preventive suspension ng Ombudsman sina Calalay at Paulate dahil sa kaso.

Nabatid na mula Enero hanggang Nobyembre 2010 ay mayroong 29 na ghost employees si Calalay na noon ay konsehal pa lamang habang si Paulate naman ay mayroong 30 ghost employees mula Hulyo hanggang Nobyembre ng pareho ding taon.

Sa mga ebidensyang nakalap ng Ombdusman, lumabas na tumatanggap ng P2,500 hanggang P5,000 na buwanang sahod ang mga pekeng empleyado nila Calalay at Paulate.

Dahil dito umabot sa P1.125M ang inilaang pondo ni Paulate habang P2.175M naman ang kay Calalay para sa mga ghost employee. 

Napatunayan ng Ombudsman na ginamit ng dalawang opisyal ang kanilang pwesto para kubrahin ang naturang halaga para sa kanilang personal na interes.

Damay naman sa hatol ng Ombudsman sina Alvarez at Bajamunde dahil pumayag ang mga ito na magpagamit kina Calalay at Paulate upang makubra ng mga ito ang mga sweldo at iba pang benepisyong inilaan para sana sa mga ghost employee.

Bukod sa pagsibak sa pwesto ay iniutos din ng Ombudsman na tanggalan ang apat na nahatulan nang karapatang humawak ng anumang pwesto sa gobyerno habambuhay at pagkansela sa anumang benepisyo na maaari nilang tanggapin.-DCR

 

Advertisements