Inquirer reporter kinompronta na, hinarass pa ni Gigi Reyes at kapatid nito

56.PNG

Atty. Gigi Reyes while confronting PDI reporter Marlon Ramos in Sandiganbayan  (Photo from Inquirer)

Kinompronta na, hinarass pa. 

Ito ang sinapit ng isang reporter ng Philippine Daily Inquirer sa magkapatid na sina Atty.  Jessica Lucila “Gigi” Reyes at nakababatang kapatid nitong si Patrick Jean Gonzales.

Nangyari ang insidente kahapon ikalawang araw nang pagdinig sa kasong plunder laban kay Reyes kung saan kasama nito bilang akusado sina pork barrel scam queen Janet Lim Napoles at Sen. Juan Ponce Enrile.

Lumalabas na nagalit si Reyes sa reporter na si Marlon Ramos.

Sa artikulo kasi ni Ramos tungkol sa unang araw ng hearing ni Reyes ay sinabi nitong bitbit ng akusado ang kanyang Goyard bag habang suot nito ang kanyang Tory Burch na sapatos.

Kilala bilang mga mamahaling tatak ng bag at sapatos ang mga nabanggit na brand.

Dahil dito matapos ang ikalawang araw ng pagdinig ay nakita ni Reyes ang mamamahayag na kinukunan siya ng litrato habang pababa sa Sandiganbayan.

Ayon sa salaysay ni Ramos, nang makita siya ni Reyes ay tinangka nitong lumihis sa nilalakarang direksyon ng kanyang mga bodyguard upang mas makalapit ng kaunti sa kanyang pwesto.

“Yes, Yes!,” ito umano ang pagalit na unang sinabi ni Reyes ng makita si Ramos.

Bagama’t tinangkang pigilan ng kanyang mga bantay, hinawi lamang ni Reyes ang kamay ng mga ito at pagalit na nagsalita habang kinukunan siya ng larawan ni Ramos.

“Yes. I’m here. Take my picture,” pagalit na sabi ng akusado.

Habang nangyayari ang komosyon, isang lalaki umano ang nagtanong sa mamamahayag kung siya ba si Marlon Ramos.

Makaraang kumpirmahin ng mamahayag na siya si Ramos umakyat umano ang lalaki at dinamba ang kaliwang kamay ng reporter sabay kompronta tungkol sa kanyang isinulat. 

“Pati ba naman ‘yung bag? Naman. Why did you have to include that in your story? Inquirer ka eh,” pahayag ng lalaki na nakilala kinalaunan na si Gonzales.

Ayon kay Ramos, tumigil lamang si Gonzales sa ginagawa nitong pangha-harass nang awatin na ito ng abogado ni Reyes na si Atty. Basco Tagarda.

Sa pahayag ni Ramos sa kanyang artikulo ngayong araw sinabi nitong hindi niya dapat palagpasin ang insidente.

Aniya, ang mga kahalintulad na hakbang ang nagdudulot ng kultura ng impunidad sa mga mamamahayag partikular dito sa Pilipinas. 

“Nabanggit ko lang na nung nag-attend siya ng hearing dito, may dala siyang mamahalin na bag at nakasuot din siya ng mamahalin na sapatos. Yun lang naman… Sa akin kasi bilang isang journalist gusto ko lang sabihin na hindi siya mukhang inmate, naka-mamahaling bag siya habang humaharap siya sa isang kaso ng corruption,” pahayag pa ni Ramos.

Sa pagsasaliksik, napag-alaman na ang tatak ng bag na Maison E. Goyard ay mabibili lamang sa France, London, New York, Tokyo, Los Angeles, Mexico, Taiwan, Japan, Singapore, China at Hong Kong. 

Nagkakahalaga ang nasabing tatak ng P70,000- P80,000.

Ang brand naman ng sapatos ni Reyes ay mabibili sa halagang P10,000-P15,000. 

Si Reyes ay nananatiling nakakulong ngayon dahil sa pagkakadawit sa P10B pork barrel scam. -DCR

Advertisements