Malacañang itinangging konektado sa kanila ang naarestong si Lt. Col. Marcelino

12

President Benigno Aquino III and Executive Secretary Paquito Ochoa (Image from newsflash.org)

 

 

Itinanggi ng isang opisyal sa Malacañang na konektado sa kanila ang naarestong si Lt. Col. Ferdinand Marcelino.

Ginawa ng Palasyo ang pahayag sa gitna ng mga balitang konektado si Marcelino sa tanggapang pinamumunuan ni Exec. Sec. Paquito Ochoa.

Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Exec. Dir. Reginald Villasanta, walang on going operation ang kanilang tanggapan na kasama si Marcelino.

Giit pa ni Villasanta, kahit kailan ay hindi naging operatiba ng kanilang tanggapan ang nadakip na opisyal ng Philippine Marines.

Ang impormasyon ay nagsimula makaraang sabihin ni dating PDEA director general Dionisio Santiago na direktang nagre-report si Marcelino kay Ochoa. 

May mga pagkakataon din umanong si Marcelino mismo ang nagbibigay ng briefing ng kanyang operasyon kay Pangulong Benigno Aquino III. 

Sa kabila nito sinabi ni Santiago na hindi niya alam kung hanggang ngayon ay konektado pa si Marcelino sa tanggapan ni Ochoa.

Si Marcelino ay nadakip kahapon sa loob ng isang cladestine shabu den ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa Sta. Cruz, Maynila.

Una nang sinabi ni Marcelino na naroon siya sa lugar kung saan nag-operate ang PDEA para mangalap ng impormasyon. Aniya, kaya umano niyang patunayan na lehitimo ang kanyang misyon sa lugar.

Kanina ay isinailalim na sa inquest proceeding sa Department of Justice si Marcelino kasama ang isang Chinese na kasamang nadakip nito. 

Sila ay sinampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002. -DCR

 

 

Advertisements