Minimum fare sa jeep balik P7 simula ngayong araw

14

 

Simula ngayong araw ay P7 na lamang ang minimum na pasahe sa lahat ng pampublikong jeep base sa kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Saklaw ng kautusan mula sa LTFRB ang mga jeep na bumibyahe sa National Capital Region, Region 3, MIMAROPA (Region 4B) at CALABARZON (Region 4A).

Ang fare rollback ay bunga ng sunod sunod na pagbaba sa presyo ng petrolyo.

Mismong ang mga transport group ang naghain ng petisyon sa LTFRB para maibaba ang minimum fare mula sa dating P7.50 at gawing P7.

Kabilang sa mga naghain ng petisyon ay ang ACTO, PASANG MASDA, FEJODAP at LTOP.

Para naman sa grupong PISTON, pabor at susunod ang lahat ng kanilang sangay sa rollback sa pasahe. 

12

 

Sa kabila nito sinabi ng grupo na mas maigi kung magbibigay ng subsidiya ang gobyerno para sa pagbili nila ng spare parts para sa kanilang mga jeep.

Ayon pa sa PISTON, sana ay sunod ding ibaba ang presyo ng tubig at kuryente.

Malinaw naman sa kautusan ng LTFRB na tanging ang minimum fare lamang o ang pasahe para sa unang apat na kilometro ang binawasan. 

Dahil provisional fare lamang ang bawas na P0.50 na ipinatupad hindi na kailangan pang maglabas ng fare matrix o taripa para sa mga jeep.

Mananatili naman sa P1.50 ang idadagdag sa minimum fare para sa bawat kilometrong madadagdag sa unang apat na kilometrong ibibyahe ng mga pasahero.

Sa mga senior citizen, estudyante at person with disability (PWD) ay mayroong 20% discount. Dahil dito ay magiging P5.60 na lamang ang kanilang minimum na pasahe.

Paalala ng LTFRB agad na isumbong sa kanilang 24/7 hotline 1342 ang sinumang tsuper na hindi susunod sa fare rollback at fare discount.-DCR

Advertisements