Nadakip na AFP officer dahil sa droga konektado sa Malacañang

Marcelino

Lt. Col. Ferdinand Marcelino (Image from peterahon.blogspot.com)

Direktang nagbibigay ng briefing kay Pangulong Benigno Aquino III ang nadakip na aktibong miyembro ng Armed Forces of the Philipines at dating Philippine Drug Enforcement Agency officer na si Lt. Col. Ferdinand Marcelino.

Ayon sa mga panayam kay dating PDEA Dir. Gen. Dionisio Santiago, si Marcelino ay bahagi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na pinamumunuan ni Exec. Sec. Paquito Ochoa. 

Aniya, si Marcelino pa mismo ang nagbibigay ng briefing minsan sa Pangulo tungkol sa mga drug operation.

Sa kabila nito sinabi ni Santiago na hindi niya tiyak kung hanggang ngayon ay konektado o nagtatrabaho pa si Marcelino para sa Malacañang.

Si Marcelino ay nagtrabaho para kay Santiago noong ito pa ang namumuno sa PDEA. 

Habang nasa PDEA ay pinangunahan ni Marcelino ang ilang malalaking drug operations na nagbunsod para matuklasan ang mga naglalakihang drug laboratory dito sa bansa.

Si Marcelino ay naaresto Huwebes ng madaling araw matapos ang inilunsad na operasyon ng PDEA at PNP  Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) sa Sta. Cruz, Maynila.

Sa naturang operasyon ay umaabot sa P320M halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang drug laboratory sa lugar.

Bukod kay Marcelino ay nahuli din sa operasyon ang Chinese na si Yan Yi Shou alyas Randy. Nabatid na si Randy ay naging konektado rin sa PDEA dati dahil ito ang kinukuhang interpreter ng ahensya.

Sa panayam ng Radyo Inquirer (DZIQ), sinabi ni Santiago na dapat sabihin na lamang ni Marcelino ang lahat ng alam nito sa mga nakalinyang drug operation kahit pa magdulot ito ng pagkabulilyaso sa mga gagawin pang operasyon.

Sa kabila nito nangangamba naman si Santiago para sa kaligtasan ni Marcelino sakaling magsalita na ito. 

“Ang problema dito, pag dinisclose niya everything, malalaman ang ibang major operations na maraming nabulilyaso. Bulilyaso na ang operasyon na ‘yon kapag inopen niya to save his neck, ‘yan ang problema kay Mars kapag inopen niya iyan, physically endangered ang buhay niya. It’s very unfortunate, all odds against him, sinong aampon sa kaniya ngayon? Kawawa siya ngayon. His life is endangered, tumahimik siya bilanggo siya, mag-open siya papatayin siya,”  pahayag ni Santiago. 

Una nang sinabi ni Marcelino kahapon na lehitimong operasyon ang dahilan kung bakit siya nasa lugar kung saan nag-raid din ang PDEA.

Depensa ni Marcelino, intelligence information ang kanyang kinukuha at may mga kaukulan siyang dokumento na magpapatunay para dito.-DCR

Advertisements