Customs binuksan ang package na para sa nakatakdang pagbisita ng Japanese Emperor sa Pilipinas

PNoy and Japanese emperor

Japanese Emperor Akihito with Empress Michiko welcomes President Benigno Aquino III during his state visit in Japan (Image courtesy of Malacañang Photo Bureau)

Nahaharap na naman sa isang nakakahiyang sitwasyon ang Bureau of Customs (BOC). 

Ito ay makaraang lumabas ang ulat na binuksan ng isa sa mga ahente ng BOC ang isang “diplomatic package”  na naglalaman ng mga bagay na gagamitin para sa nakatakdang state visit simula bukas nina Japanese Emperor Akihito at Empress Michiko dito sa Pilipinas.

Sa ulat na inilabas ng Manila Bulletin ngayong araw naganap ang insidente may isang buwan na ang nakakaraan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nakilala ang sangkot na tauhan ng BOC na si NAIA Customs Examiner Pompeo Manalo na nakatalaga sa Pair Cargo Customs Bonded Warehouse sa Pasay City. 

Nabatid na laman ng package na naka-address sa Japanese Embassy sa Maynila ang “sake” o ang tradisyunal na alak mula sa Japan na gagamitin para sana sa reception na inihahanda ng embahada para sa kanilang emperor. 

Bukod dito ay laman din ng package ang ilang bagay para sa Japanese Embassy kabilang na ang photo album collection nina Japanese Prime Minister Shinzo Abe at Pangulong Benigno Aquino III.

Ayon sa Article 27.3 ng Vienna Convention on Diplomatic Relations (VCDR) ang mga diplomatic package ay hindi dapat binubuksan o pinipigil na mailabas patungo sa lugar na dapat pagdalhan nito.

Base sa Department of Foreign Affairs, ang isang package ay nangangailangan ng sertipikasyon mula sa kanila at clearance mula sa Customs para ito ay masabing “diplomatic package”. 

Ayon sa isang source ng Bulletin, tinangka umanong pakiusapan ng isang tauhan mula sa Japanese Embassy si Manalo na huwag ng buksan ang package dahil kumpleto naman ito sa mga kinakailangang dokumento.

Dahil sa insidente ay nag-utos agad ng imbestigasyon  si BOC Commissioner Bert Lina.

Sa paliwanag ni Manalo, sinabi nitong binuksan niya ang package base sa utos ni BOC Composite Unit chief Emily Balatbat.

Dahil dito ay pinagsumite na umano ng paliwanag ni Lina si Balatbat kung bakit naganap ang insidente.

Sa ngayon ay hindi pa sigurado kung naghain ng pormal na reklamo ang Japanese Embassy hinggil sa pangyayari.

Ayon sa source ng Bulletin sa loob ng Customs, nabatid na sobrang dismayado ng Japanese embassy kaugnay ng insidente.

Sa kabila nito ay naibigay naman umano sa embahada ang nabuksang diplomatic package.-DCR

Advertisements