SAF 44 tribute video inilabas ng PNP kasabay ng paggunita sa unang taon ng kanilang pagkamatay

Inilabas ng Philippine National Police (PNP) ang isang video tribute nito para sa mga napaslang na miyembro ng Special Action Force (SAF) na mas kilala sa tawag na gallant SAF 44.

Ang video ay ini-upload ng PNP sa kanilang official Facebook Page ngayong araw kasabay sa paggunita ng buong bansa sa unang taon matapos maganap ang malagim na Mamasapano encounter sa Maguindanao.

Habang isinusulat ang balitang ito ay mayroon nang 23,000 views ang video mula ng i-upload ito ng PNP. Nakakuha na rin ito ng 3,300 likes habang nasa 1,122 ang video shares.

Kasabay nang paggunita sa death anniversary ng SAF 44 ay pinarangalan ng PNP sa pangunguna ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga bayaning pulis sa isang seremonya sa Camp Crame ngayong araw.

Pinarangalan ng Medalya ng Kagitingan (Medal of Valor) ang dalawa sa 44 na nasawi sa Mamasapano. Ang mga ito ay sina Senior Inspector Gednat Tabdi at Police Officer 2 Romeo Cempron.

SAF 44 caption.PNG

Screenshot from PNP Facebook video 

Iginawad naman ng gobyerno ang Medalya ng Kabayanihan o ang PNP Distinguished Conduct Medal para sa iba pang commando na bahagi ng SAF 44.

Matapos ang pagpaparangal sa SAF 44 ay nagpasalamat si PNoy sa mga pulis na nag-alay ng buhay para sa bayan. 

“Sa araw pong ito, nagtitipon tayo upang bigyang parangal ang magigiting nating Tagapagligtas, sa hanay ng Philippine National Police Special Action Force (SAF). Kaisa ang sambayanan, kinikilala natin ang buong-loob na paglilingkod ng ating awardees sa bansa. Sa atin pong magigiting na SAF: Maraming-maraming salamat sa inyong kabayanihan upang isulong ang kapayapaan.”

Sa kabila nito sinabi ng Pangulo na batid niya ang sakit na nararamdaman ng mga kaanak at naiwang pamilya ng SAF 44. Ayon sa Pangulo maging siya ay naiinip sa bagal nang pagkamit sa hustisya.

Nanawagan naman ang Pangulo sa mga pulis na ipagpatuloy lamang ang pagtupad sa kanilang tungkulin sa kabila ng lahat nang pagsubok na kanilang kakaharapin. Siniguro ni Aquino na nasa likod ng bawat pulis ang gobyerno para umayuda sa kanilang mga pangangailangan.

“Sa atin pong mga pulis: Kompiyansa akong gagawin ninyong huwaran at inspirasyon ang kagitingan ng ating awardees. Ipagpatuloy natin ang kanilang ipinaglaban. Marami pang hamon ang susubok sa katatagan ng inyong organisasyon. May ilan pa ring sasamantalahin ang mga kontrobersiya sa inyong hanay para buwagin ang ating pagkakaisa; silang mga gagamitin ang trahedya para sa pansariling agenda. Tiwala akong patuloy ninyong tatahakin ang landas na tama at makatwiran; patuloy ninyong ipagtanggol ang ating mga Boss.”

“Makakaasa naman kayo: Nasa likod ninyo ang gobyerno upang paghusayin ang inyong kakayahan sa pagtupad ng tungkulin. Pinapalakas natin ang liderato ng ating pambansang pulisya hindi lamang para masugpo ang kriminalidad, kundi upang gabayan din ang bawat kasapi ng PNP na maitaguyod ang mas magandang kinabukasan para sa kanilang mga pamilya. Malinaw sa mas nakakarami: May gobyerno nang totoong sinusuklian ang serbisyo ng mga nagmamalasakit sa bansa,” pahayag pa ng Pangulo.

Matatandaan na noong Enero 25, 2015 ay naganap ang malagim na Mamasapano encounter. 

Ito ay matapos pasukin ng mga miyembro ng SAF ang pinagkukutahan ng teroristang si Marwan. Sa operasyon ay napatay ng mga police commando ang kilabot na terorista.

Sa kabila nito, habang paatras sila ay kanilang nakasagupa ang pinagsanib na pwersa ng Moro Islamic Liberation Front, Bangsamoro Islamic Freedom Fighter at private armed groups sa lugar.

Ang malagim na engkwentro ay nagbunga ng pagkalagas ng 44 na miyembro ng tinaguriang elite force ng PNP.-DCR

Advertisements