Marcos kinumpirmang boses nila ni Deles ang nasa kumakalat na audio recording tungkol sa Mamasapano incident

 

Marcos Deles

OPAPP Sec. Teresita Deles  and Sen. Bongbong Marcos  (Photo from Youtube)

Kinumpirma na ni Sen. Bongbong Marcos na boses nila ni Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) Sec. Teresita Deles ang nasa kumakalat na audio recording tungkol sa Mamasapano incident.

Lumutang ang istorya ng audio recording na ito makaraang ibunyag sa media ni PNP Ret. Gen. Diosdado Valeroso.

Ayon kay Valeroso ibinigay sa kanya ang audio recording ng isang hindi pinangalanang source sa pamamagitan ng email.

Aniya, laman ng audio recording ang posibleng cover up sa Mamasapano encounter upang hindi nito maapektuhan ang pagsulong ng Bangsamoro Basic Law.

Sa kabila nito hindi pinangalan ni Valeroso ang sinasabi niyang isang mambabatas at isang mataas na opisyal ng gobyerno na nai-record na nag-uusap isang araw matapos ang malagim na bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao na ikinamatay ng 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force, 17 Moro Islamic Liberation Front at ilang sibilyan.

Ginawa naman ni Marcos ang pag-amin kahapon isang araw bago ang gagawing imbestigasyon muli ng Senado tungkol sa naganap na bakbakan isang taon na ang nakakaraan.

Bagama’t boses niya at ni Deles ang nasa audio recording sinabi ng senador na walang pahintulot mula sa kanila ang ginawang recording.

”Nobody told them to do it. I did not allow them to do it nor asked permission to do it. So, it was unauthorized,” pahayag pa ni Marcos.

Aniya, naganap ang pag-uusap nila ni Deles sa kanyang opisina sa Senado isang araw matapos ang Mamasapano encounter.

Hindi rin niya alam kung sino ang nag-record ng pag-uusap nila ni Deles dahil maraming tao sa kanyang tanggapan ng mga panahong iyon bukod pa sa labas pasok dito ang mga tao. 

Sa kabila nito sinabi ng senador na kailangan pa ring ipagpatuloy ang deliberasyon hinggil sa BBL. Sinabi rin ni Marcos na desisyon na ni Senate Committee on Public Order Chairman Grace Poe kung isasama nito ang kontrobersyal na audio recording sa pagbubukas ngayong araw ng pagdinig sa Senado.

Una nang sinabi kahapon ni Poe na willing siyang tanggapin ang audio recording. 

“We will accept that as a submission but with regard to the authenticity, we will not be able to validate until we’ve also checked the list and investigated the source of it,” pahayag ng senadora. 

Malamig naman ang pagtugon ni Senate President Franklin Drilon hinggil sa sinasabing audio recording. Sa halip nagbanta pa ito kay Valeroso tungkol sa posibleng kaso na kaharapin nito. 

Ayon sa senador posibleng makasuhan ang sinuman na nagre-record ng mga usapan ng walang pahintulot sa ilalim na rin ng Anti Wiretapping Act. 

“Not only the unauthorized recording, but also the possession of such unauthorized recording, is also unlawful. Not only possession, but also communicating these unauthorized recordings is also unlawful. And the evidence of such a conversation is also inadmissible as evidence under the Anti-Wiretapping Act,” pahayag pa ni Drilon.DCR

Advertisements