Roxas muling binira ni Duterte

Duterte

Muling nakatikim ng birada mula kay Davao City Mayor at PDP-Laban presidential bet Rodrigo Duterte ang pambato ng administrasyon na si dating DILG Sec. Mar Roxas.

Sinagot ni Duterte ang pinahuling TV ad ni Roxas.

Sa naturang advertisement na may pamagat na “Bakit si Mar?” ay sinabi ni Roxas ang mga linyang: “Bakit si Mar? Wala akong drama. Hindi ako pa-awa. Hindi ako siga-siga. Pero hindi rin ako abusado. Higit sa lahat, hindi ako magnanakaw. Walang drama, trabaho lang.”

Bagama’t hindi tuwirang binanggit ni Roxas, ang ad ay tila patama sa kanyang mga kalaban sa halalan. 

Sa kanyang pagharap sa mga taga Tagaytay City kahapon sa Tunog ng Pagbabago concert sinabi ni Duterte na siya ang pinapatamaan ni Roxas sa linya nitong “siga-siga”. 

”May advertisement na may mga tao raw na siga-siga.  Hoy, Roxas, ako ang pinapatamaan niyo. Meron akong ipapakita sa iyo, Exhibit A ko ang Davao,” pahayag ni Duterte. 

Ayon pa sa alkalde hindi siya nagpapasikat kundi talagang napatunayan na niyang kayang gawing matahimik at may kaayusan ang alinmang lugar sa Pilipinas at isang halimbawa nito ang Davao. 

”Hindi mo na ako masira. I have proven to Davao, the entire Philippines, na kaya talaga to make a peaceful place. Hindi mo na makuha sa akin ‘yun. Hindi ako nagpasikat-sikat. Talagang may sigla ako,” pahayag pa ni Duterte

Sa pagtitipon sa Tagaytay ipinabatid ni Duterte ang kanyang mga agenda sakaling manalo sa darating na halalan.

Una dito ay ang pagsugpo sa kriminalidad at pagpapanumbalik ng peace and order, pagsugpo sa salot na ilegal na droga at pagtigil ng korapsyon sa gobyerno.

Kasama ni Duterte ang kanyang runningmate na si Sen. Alan Peter Cayetano kahapon. 

Bukod sa dalawa ay dumalo din sa Tunog ng Pagbabago Concert for Duterte-Cayetano ang ilang tumatakbong senador tulad nina Sandra Cam, Toots Ople, Dionisio Santiago, Dante Liban at si dating MMDA Chairman Francis Tolentino.-DCR

Advertisements