BBL is ‘clinically dead’- Iqbal

Iqbal

MILF peace panel chair Mohagher Iqbal 

‘Clinically dead.’

Ganito inilarawan ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) peace panel chairman Mohagher Iqbal ang kalagayan ngayon ng Bangsamoro Basic Law (BBL) sa Kongreso.

Aniya, wala na silang pag-asa na papasa pa ang panukala.

Una nang nagpahayag ng pagkamatay ng BBL ang ilang kaalyado ng administrasyon tulad ni  House Speaker Sonny Belmonte. 

Para naman kay Senate President Franklin Drilon, inamin rin nitong hindi na nila maipapasa ang BBL version ng Senado dahil kapos na sa panahon.

Sa panayam ng ABSCBN News Channel kay Iqbal sinabi nitong tinitignan nila ngayon kung kailangan pang ihain muli sa susunod na Kongreso ang kasalukuyang porma ng BBL o kung nangangailangan na gumawa ng panibagong basic law.

Nilinaw rin ni Iqbal na hindi sinisisi ng kanilang grupo si Pangulong Benigno Aquino III sa hindi pagkakapasa ng BBL. 

Sa kabila nito sinabi ng MILF leader na magdadala ng pagkadismaya sa Bangsamoro ang hindi paglusot ng panukala.

Ayon pa kay Iqbal, responsibilidad na ngayon ng susunod na administrasyon ang pagtulak sa prosesong pangkapayapaan para sa Mindanao. 

Bago ang panayam ngayong araw una ng sinabi ni Iqbal na ang hindi pagpasa ng BBL ay hindi katapusan ng daan tungo sa kapayapaan para sa MILF.

Aniya, magpapatuloy pa rin ang kanilang grupo para makamit ang kasunduan para sa kapayapaan ng Mindanao.-DCR

Advertisements