Convoy ni Cong. Leni Robredo ligtas sa pambobomba sa Tacurong City

Leni

Liberal Party vice presidential bet Leni Robredo (Photo courtesy of Leni Robredo Page

 

Sumabog ang isang car bomb matapos makalagpas ang convoy ni Liberal Party vice presidential candidate Rep. Leni Robredo sa Tacurong City, Sultan Kudarat ngayong hapon.

Ang car bomb ay sumambulat sa bahagi Jose Abad Santos St.

Naganap ang pambobomba sa lugar kaninang pasado 2:00 ng hapon.

Nabatid na ilang minuto pa  lamang nakakadaan ang convoy ni Robredo sa lugar nang biglang sumabog bomba na inilagay sa isang kotseng ipinarada sa isang gasolinahan.

Hanggang sa ngayon ay hindi pa mabatid kung ang grupo nga ba ni Robredo ang target ng pagpapasabog.

Tatlo katao ang naitalang sugatan sa insidente.

Sa ulat ng Mindanao Examiner, nakilala ang mga biktima na sina Freddie Tumindig, Nicole Fobar,  at Patrick Pepito na kapwa itinakbo sa Quijano Hospital.

Nagpalabas na si Robredo ng opisyal na pahayag makaraang ang insidente.

Mariing kinondena ang pagpapasabog at nagpaabot na rin ito ng pakikiramay para sa mga nasugatan at iba pang nabiktima.

“Tayo po ay ligtas.  Ngunit nakikiramay tayo sa mga nasaktan, kung saan ang balita natin ay tatlong katao ang nasugatan. Mariin nating kinokonenda ang nangyaring pagsabog na ito, lalo na sa tuluy-tuloy na pagtulak natin sa kaunlaran para sa Sultan Kudarat at buong rehiyon ng Mindanao.”

“Nananawagan tayo sa mga awtoridad para mabigyan ng agarang pagkalinga ang mga nasaktan. Hinihingi rin natin ang mabilis na pagtugon sa pangyayari upang malaman natin ang ugat ng pagsabog at mapanagot sa batas ang mga nasa likod nito. Hindi mapipigil nito ang ating patuloy na paghahanap ng mga pangmatagalang solusyon sa kapayapaan sa Mindanao,” pahayag pa ng kongresista. 

Nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan ang imbestigasyon ng pulisya kung anong motibo at sinong grupo ang responsable sa pinakabagong insidenteng ito ng pambobomba sa Mindanao.-DCR

Advertisements