VIRAL VIDEO: Pangalan ng senador tinangkang gamitin para malusutan ang traffic violation

 

 

Nakunan ng video ang paggamit ng isang hindi nakilalang motorista sa pangalan ni Sen. JV Ejercito para sana makalusot sa traffic violation.

Sa video na ipinost da Facebook ni Lenard Bernardo, mapapanood ang pagsita ng isang hindi rin nakilalang traffic enforcer ng Pasig City sa isang motorista.

Nabatid na sinita ang tsuper ng Mitsubishi Rosa na may plakang UKE 526 dahil ilegal itong nakaparada sa daan malapit sa boundary ng Pasig at Cainta, Rizal.

Sa halip na ibigay ang lisensya sa traffic enforcer ay nagpakilala ang tsuper na siya ay taga Senado at konektado kay Sen. JV Ejercito.

Sa kabila nito ay hindi natinag ang traffic enforcer at hiningi pa rin ng maayos ang lisensya ng tsuper para mabigyan ng violation ticket.

Hindi pa nakuntento sa paggamit sa pangalan ng senador, sinabi pa ng abusadong tsuper na posibleng matanggalan ng trabaho ang traffic enforcer kung itutuloy nito ang pag-ticket sa kanya.

Bukod kay Ejercito ay ginamit din ng driver ang pangalan ni Pasig City Mayor Maribel Eusebio.

Sa kabila ng pananakot at pakiusap, hindi natinag ang traffic enforcer at tiniketan pa rin ang tsuper.

Lumalabas din sa video na nagsasakay ng pasahero ang van kahit maliwanag na puti ang plaka nito patunay na colorum ang operasyon nito.

Dahil sa pagkalat sa social media ng video ay nagpalabas na ng pahayag ang tanggapan ni Ejercito sa insidente.

Nilinaw nito na residente nga ng San Juan City ang tsuper na nakunan sa video subalit hindi konektado sa kanyang opisina ang tsuper na pinangalan nitong “Jun”. 

Aniya, naging driver ito sa panahon ng kanyang kampanya noong 2013 subalit tinanggal din dahil sa hindi magandang pag-uugali.-DCR

 

Advertisements