Binay suportado na ni Enrile sa halalan

Senate

Senator Juan Ponce Enrile talks with Vice President Jejomar Binay with Sen. Jinggoy Estrada (Photo from Senate/Joe Arazas)

Nakuha na ni Vice President Jejomar Binay ang pagsuporta ni Sen. Juan Ponce Enrile para sa darating na halalan sa Mayo. 

Ito ay matapos ihayag ni Enrile na ang pambato ng United Nationalist Alliance (UNA) na si Binay ang kanyang mamanukin sa eleksyon. 

“I am for Binay. I will bet on Binay. Why would I bet on someone who will lose?” pahayag ni Enrile.

Kasabay nito ay sinabi ni Enrile na kinausap nya na rin ang runningmate ni Binay na si Sen. Gregorio Honasan.

Sinabi umano niya sa kasamang senador na tutulungan niya ito sa darating na halalan subalit hindi niya maipapangako rito ang landslide vote mula sa Cagayan.

Paliwanag ni Enrile, ito ay dahil kadalasang ibinoboto ng mga Ilokano ang kapwa nila Ilokano lalo na at tumatakbo ito sa mas mataas na posisyon.

Ang tinutukoy ni Enrile ay ang kapwa Ilokano na si Sen. Bongbong Marcos na tumatakbo din bilang bise presidente. 

Bago ito sinabi ni Enrile na gagamitin niyang isyu laban sa mga pambato ng administrasyon ang usapin ng Mamasapano encounter. 

Ginawa ni Enrile ang pahayag matapos sabihin ng Liberal Party na kabilang sa mga usapin na kanilang ilalatag sa pagsisimula ng kampanya ay ang track record ng administrasyong Aquino pagdating sa paglaban sa korupsyon.

Si Binay na sinusuportahan ni Enrile ay inaakusahan ng pagkakamal ng salapi mula sa mga proyekto ng gobyerno.

Pinakahuling isyu laban dito ay ang pag-utos ng Ombudsman na makapagsampa na ng kaso laban sa mga Binay kaugnay ng maanomalyang Makati City Hall building II.-DCR

Advertisements