Binay nangunguna pa rin, Poe at Duterte tabla sa pinakahuling SWS survey

Images

Image courtesy of Newscentral.ph

 

Bahagyang bumaba ang puntos subalit nangunguna pa rin si Vice President Jejomar Binay habang tabla na sa ikalawang pwesto sina Sen. Grace Poe at Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS). 

Ang pre-election survey ay ginawa noong nakaraang Pebrero 5-7 kung saan umabot sa 1,200 ang respondents.

Nakakuha si Binay ng 29% sa survey. Mababa ito ng dalawang puntos kumpara sa 31% na nakuha nya noong Enero.

Kapwa naman nagtabla sina Poe at Duterte na mayroong 24%.

Lalo namang bumagsak ang nakuhang puntos ng pambato ng administrasyon na si dating Interior Sec. Mar Roxas na may 18% mula dating 21% noong Enero.

Si Sen. Miriam Defensor-Santiago ang nasa panghuling pwesto na may 4%. 

Ang survey ay may katanungan na “Kung ang eleksyon ay gaganapin ngayon, sino po ang malamang ninyong iboboto bilang PRESIDENTE, BISE-PRESIDENTE, at mga SENADOR, ng PILIPINAS? Narito ang listahan ng mga kandidato.”

Umarangkada na noong Pebrero 9 ang opisyal na panahon ng kampanya. Inaasahan na magbabago pa ang naturang resulta ng survey habang papalapit ang Mayo 09 o ang mismong araw ng halalan.

Sa kasalukuyan ay ipinupukol na isyu pa rin kay Binay ang tungkol sa korapsyon kabilang na ang maanomalyang pagpapatayo ng Makati City Hall Building II noong siya ay alkalde pa lamang.

Nakabinbin pa rin sa Korte Suprema ang usapin tungkol sa residency at pagiging natural-born citizen ni Poe habang ibinasura naman ng Commission on Elections ang lahat ng disqualification case na inihain laban kay Duterte.-DCR

Advertisements