Club Balai Isabel: Kasalan nauwi sa nakawan, higit kumulang P2.5M natangay

Nauwi sa lungkot, galit at pagkadismaya ang memorableng araw para sa mga bisita at kasali sa kasiyahan sa Club Balai Isabel sa Talisay, Batangas makaraang mauwi sa nakawan ang dapat sana ay masayang kasalan doon noong Sabado Pebrero 13.

Sa impormasyong nakuha ng The Manila Journo, nabatid na ang kasalan ay sa pagitan nina Christer Estrella Manabat at Annabel Aquino na kapwa balikbayan.

Dahil sa tagal nang hindi nakakauwi ay minabuti ng dalawa na dito idaos sa bansa ang kanilang kasal.

Bandang 2:00 ng hapon noong Sabado nang magtungo sina Manabat at Aquino kasama ang kanilang mga kaanak sa Nuestra Senora dela Soledad para sa nakatakdang seremonya.

Ang reception ay gagawin sa Balai Isabel kung saan naka-check in sa dalawang villa  ang mga kaanak ng dalawa Biyernes pa lamang.

Base sa salaysay sa Facebook ng isang Apollo Jones na kaanak ni Aquino, nagsimulang magdatingan ang unang batch ng mga bisita sa Balai Isabel bandang 5:00 ng hapon.

Dahil iisa lamang umano ang susi sa villa ng bride minabuti ng iba na maghintay.

Ayon kay Jones, sinubukan niyang dumaan sa pinto at bintana ng villa para makapasok kahit alam niyang malabo ito dahil siya pag ang nag-check kung naka-lock ng maigi ang mga ito bago sila umalis.

Dumaan si Jones sa bintana sa may kusina at laking gulat nito ng makitang bahagya nang bukas ang pintuan ng kanilang villa.

Agad niya umanong pinapasok ang iba pa nilang kasama saka tinignan ang kanilang mga gamit.

Dito na nila isa-isang nadiskubre ang mga nawawalang bagay tulad ng laptop, tablet, cellphone, cash at iba pang mahahalagang gamit. 

Sa puntong ito ay napag-alaman na din na maging ang villa kung saan pansamantalang tumutuloy ang grupo ng groom ay pinasok din at pinagnakawan.

Sa pagsisiyasat lumalabas na humigit kumulang P2.5M ng mga gamit at cash ang natangay ng mga kawatan.

Nabatid naman na hindi nahagip ng security camera ng resort ang pagpasok ng mga magnanakaw sa dalawang villa.

Ito ay dahil hindi na pala gumagana ang CCTV ng Balai Isabel simula pa ng manalasa ang bagyong Glenda noong 2014.

Hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Kabilang sa anggulong tinitignan ng pulisya ay inside job dahil tanging ang dalawang villa lamang na tinuluyan ng mga kaanak ng bride at groom ang pinasok ng mga magnanakaw.

Ayon pa sa post, inamin ng mga pulis na nakakasakop sa lugar na hindi ito ang unang beses na nakatanggap sila ng reklamong may kaugnayan sa nakawan sa loob ng Balai Isabel.-DCR

Advertisements