PNP vs NPA: 6 pulis patay, 15 sugatan sa Cagayan

SAF

PNP-SAF personnel during the arrival honors for gallant SAF 44 last January 2015 (Photo courtesy of PNP)

 

Patay ang anim na miyembro ng Philippine National Police habang sugatan ang 15  iba pa kabilang ang dalawang opisyal matapos makaengkwentro ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Sta. Margarita, Baggao, Cagayan kahapon.

Sa ulat na nakalap ng Manila Journo, nagsasagawa ng combat patrol operation sa lugar ang mga pulis ng biglang tambangan ng hindi pa mabatid na bilang ng mga NPA.

Dahil sa insidente ay nagpadala agad ang Philippine Air Force ng dalawang chopper nito upang magsilbing reinforcement ng mga napalabang pulis.

Maging ang 17th Infantry Battalion ng Philippine Army sa lugar ay nagpadala din agad ng mga tauhan nito para saklolohan ang mga pulis.

Hanggang ngayon ay hindi rin makumpirma kung may napatay o nasugatan sa panig ng mga rebelde.

Sa ulat naman ng Philippine Daily Inquirer ay kinilala nito ang ilan sa ang mga nasawi at nasugatan.

Nakilala ang mga namatay na sina PO1 Anan, PO1 Bautista, PO1 Sumiko, PO1 Alfonso, PO1 Soriano at PO1 Aspiros.

Ang mga nasugatan naman at ngayon ay patuloy na ginagamot sa ospital ay nakilalang sina Senior Inspector Acain, Senior Inspector Cabansi, PO1 Layugan, PO1 Camaruan, PO1 Cabildo, PO1 Gesto, PO3 Gacias at PO1 Balunsat.

Mariin namang kinundena ng PNP ang naganap na engkwentro.

Ayon sa pambansang pulisya, ang ginawa ng NPA ay maliwanag na pagsasawalang bahala nito sa buhay ng mga residente sa lugar sa kabilang ng patuloy na pagsisikap ng gobyerno na mapabuti ang pamumuhay ng mga tagaroon.

Bago ang engkwentro ay isang operasyon ang ginawa ng mga pulis sa lugar makaraang sunugin ang mga rebeldeng komunista ang ilang heavy equipment na ginagamit para sa pagpapatupad ng proyekto ng pamahalaan doon.

Siniguro naman ng liderato ng PNP na makakatanggap ng mga kaukulang benepisyo ang mga pamilya ng mga nasawi at nasugatang pulis.-DCR

 

 

 

 

 

Advertisements