30th anniversary ng Edsa People Power ginunita ngayong araw

Edsa 1

Edsa 30th anniversary celebration (Photo from Philippine Air Force)

 

Ginunita ngayong araw ang ika-30 anibersaryo ng makasaysayang Edsa People Power Revolution.

Ang pagdiriwang ngayong taon ay may temang “Pagbabago: Ipinaglaban Ninyo, Itutuloy Ko,” na nakatuon para sa mga kabataan o ang tinatawag na “millenials”. 

Ang naturang pangyayari ang nagbigay may 30 taon na ang nakakaraan para tuluyang matapos at bumagsak ang diktadurya ni dating pangulong Ferdinand Marcos na namuno sa bansa sa loob ng higit 20 taon.

Pinangunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang paggunita sa makasaysayang pangyayari. 

Kasama rin niyang dumalo ang mga miyembro ng gabinete at maging ang pambato ng kanyang partido na Liberal Party na sina dating Interior Sec. Mar Roxas at Rep. Leni Robredo kasama ang ilang key player ng unang Edsa tulad ni dating pangulong Fidel Ramos.

Edsa

Philippine Pres. Benigno Aquino shows the iconic Laban sign during the Edsa 30th anniversary celebration together with former Pres. Fidel Ramos a key player in the original Edsa revolt    (Photo courtesy of Philippine Air Force)

Wala sa pagdiriwang ang isa pang key person ng Edsa na si Sen. Juan Ponce Enrile na may piniling huwag ng daluhan ang okasyon.

Nagkaroon naman ng salubungan sa Edsa Shrine ang mga miyembro ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at ang civil society groups na binubuo ng mga estudyante, taong simbahan at iba pang cause oriented groups tulad ng August Twenty One Movement.

Kabilang din sa highlight ng okasyon ang pagbubukas ng Edsa People Power experiential museum na ginawa ng Edsa People Power Commission.

Layon ng proyekto na ipakita sa mga kabataan ang naging pamumuhay ng mga Pilipino sa ilalim ng batas militar hanggang sa magtapos ang rehimeng Marcos noong 1986. 

Nagpakitang gilas din ang Philippine Air Force ngayong araw matapos itong magbigay ng fly-by sa mga dumalo sa okasyon.

Ang Edsa People Power ay nagsimula noong Pebrero 22, 1986 makataang manawagan ang noon ay arsobispo ng Maynila na si Jaime Cardinal Sin sa taumbayan na magtungo sa Camp Crame at Camp Aguinaldo upang protektahan sina Enrile at Ramos laban sa planong paglusob sa kanila ng mga tauhan ni Marcos makaraan silang bumaligtad sa gobyerno nito.

Makaraang ang ilang araw na pagbabantay at pagharang sa mga tangke ng Philippine Marines at tuluyang pagtiwalag ng mga sundalo ay napilitan ang pamilya Marcos na bitawan ang kapangyarihan.

Gabi ng Pebrero 25 nang tuluyang umalis sa Malacañang ang pamilya Marcos kasama ang kanilang mga crony patungo sa Subic, Zambales at kinalaunan ay inilapad palabas ng bansa papuntang Hawaii.-DCR

 

 

Advertisements