PNoy sa mga ‘millenial’: Alagaan ang nakamit na kalayaan mula sa Edsa People Power

 

45

Philippine Pres. Benigno Aquino III during the 30th Edsa People Power Revolution anniversary (Photo courtesy of Philippine Air Force)

“Ngayon, ang 30 taong gulang, halos kakasimula pa lang ng inyong buhay-propesyonal. May kalayaan kayong kumita at mag-ipon, magmahal at magtayo ng pamilya may kalayaang mangarap. Kayo ang pinakamakikinabang kung mapapangalagaan ang ating kalayaan, kaya’t nawa’y maunawaan ninyo ang tangan ninyong responsibilidad.”

Ito ang panawagan ng Pangulo ngayong araw.

Nanawagan si Pangulong Benigno Aquino III sa mga kabataan partikular sa mga tinatawag ngayong “millenials” na alagaan ang kalayaang nakamit ng bansa bunga Edsa People Power Revolution noong 1986.

Ang pahayag ay ginawa ng Pangulo kasabay ng pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng mapayapang rebolusyon ngayong araw.

May tema ang pagdiriwang ngayong taon na “Pagbabago: Ipinaglaban Ninyo, Itutuloy Ko,” na nakatuon para sa mga “millenials”. 

Sa kanyang talumpati ay ipinaalala ni PNoy ang hirap na pinagdaanan ng mga Pilipino sa ilalim ng batas militar ni dating pangulong Ferdinand Marcos.

Aniya, sana ay magtulungan ang lahat para hindi na muling mabawi ang kalayaang ipinaglaban ng taumbayan noong 1986 Edsa People Power.

 “Lumaki kayong tumatamasa ng mga kalayaang ipinagkait sa henerasyong nauna, kung kailan kapag pumalo ka ng 30 taong gulang habang pumapalag sa diktadurya, mapalad ka nang buhay ka pa. Ngayon, ang 30 taong gulang, halos kakasimula pa lang ng inyong buhay-propesyonal. May kalayaan kayong kumita at mag-ipon, magmahal at magtayo ng pamilya may kalayaang mangarap. Kayo ang pinakamakikinabang kung mapapangalagaan ang ating kalayaan, kaya’t nawa’y maunawaan ninyo ang tangan ninyong responsibilidad. Nawa’y mag-ambagan tayong lahat, upang hindi na kailanman muling manaig ang kadiliman sa Pilipinas. Nawa’y ang kalayaang kay tagal nating minithi ay hinding-hindi na mababawing muli,” kumpletong pahayag ng Pangulo. 

Matapos naman ang pagdiriwang sa Edsa Shrine ay nagtungo si PNoy sa Edsa People Power experiential musuem na layon pa ring ipakita sa mga kabataang hindi nakaranas ng martial law at hindi pa buhay noong 1986 people power revolution ang kalagayan ng bansa at ang mga pangyayari na nagbunsod sa mapayapang pagkilos sa Edsa-DCR

Advertisements