Balitang pag-disqualify ng SC kay Grace Poe kumakalat na

Poe

Sen. Grace Poe  (Image courtesy of Sen. Grace Poe Facebook)

Kumakalat na ang balitang diniskwalipika ng Supreme Court (SC) si Sen. Grace Poe sa pagtakbo nito bilang pangulo base sa draft ponencia ng isa sa mga mahistrado nito.

Sa balitang inilathala ng The Manila Times, tinukoy nila ang gumawa ng ponencia o desisyon na si Associate Justice Mariano Del Castillo.

Ayon umano sa source ng Manila Times, naniniwala si Del Castillo na dapat ma-disqualify si Poe sa pagkandidato bilang pangulo dahil sa kabiguan nitong matugunan ang residency requirement na itinatakda ng batas para sa mga kumakandidatong pangulo.

Base pa sa salaysay ng source, umiikot na ngayon  sa 14 na mahistrado ng SC ang desisyon ni Del Castillo.

Nabatid din na hindi na tinalakay pa sa ponencia ng mahistrado ang usapin tungkol sa citizenship ng senadora.

Matatandaan na kabilang sa mga kasong inihain laban kay Poe ay ang hindi umano nito pagiging natural-born citizen.

Batay sa desisyon ni Del Castillo, ipinababasura na din nito ang petisyon ng senadora sa SC laban sa Commission on Elections.

PABORABLENG DESISYON POSIBLE PA RIN

Sa kabila nang nasabing ulat, isang balita rin ang inilabas ng The Manila Times tungkol sa paborableng desisyon na posibleng makuha ni Poe mula sa SC.

Ayon sa source ng  Manila Times, posibleng makakuha si Poe ng walong boto pabor sa kanya mula sa mga mahistrado.

Sa ngayon umano ay limang mahistrado na ang pumapabor kay Poe. Sa kabila nito ay hindi naman pinangalanan ng source kung sinu-sino ang naturang SC justices.

Ayon pa sa source, walang katotohanan ang mga balitang nagbotohan na ang mga mahistrado tungkol sa kaso ng senadora.

Bagama’t nakatakdang magdaos ng kanilang en banc session ang mga mahistrado ngayong araw, inaasahan umano na hindi pa pagbobotohan ng mga ito ang ponencia na ginawa ni Del Castillo dahil posibleng humingi pa ng sapat na panahon ang ilan sa mga kasamahan nito upang pag-aralan ang kanilang magiging desisyon.

Dalawang kaso ng disqualification laban kay Poe ang hinihintay na madesisyunan ng SC.

Kabilang sa mga ito ay ang kasong inihain ni Atty. Estrella Elamparo habang pinagsama-sama naman bilang iisang kaso ang mga petisyong inihain nina Rizalito David, Amado Contreras at Dean Amado Valdez.

Kahapon ay pormal nang inanunsyo ng Nationalist People’s Coalition (NPC) ang pag-endorso nila sa tambalan nina Poe at running mate nitong si Sen. Chiz Escudero bilang kanilang pambato sa darating na halalan. -DCR

 

 

 

Advertisements