DAGDAG PA MORE: Roxas-Robredo tandem nakiusap sa taumbayan na tulungan silang iangat ang ratings

Roxas

Liberal Party presidential candidate Mar Roxas during his campaign in Siquijor    (Photo courtesy of Mar Roxas Facebook Page)

“Dati four percent kami. Ngayon ay 20 percent. Pakiusap namin sa inyo, dagdag pa more!”

Ito ang pakiusap ni Liberal Party presidential bet Mar Roxas sa taumbayan partikular sa mga residente ng Parañaque City para tulungan siyang maiangat pa ang kanyang ratings.

Ginawa ni Roxas ang apela kasabay ng pagbisita niya sa nasabing lungsod kasama ang ka-tandem na si Rep. Leni Robredo.

Ang dalawa ay nakiusap sa kanilang mga tagasuporta na patuloy silang suportahan upang mas lalo pang umangat ang kanilang ratings.

Ngayong araw ay nangampanya ang tambalang Roxas-Robredo sa Parañaque, Muntinlupa at Las Piñas City.

Sa kanyang talumpati sinabi hinimok ni Roxas ang mga nakikinig sa Olivares College Gym na ipamalita sa kanilang mga kaanak at kaibigan ang magagawang ng ‘Daang Matuwid’ coalition para sa kanila.

“Hinihingi namin ang tulong at suporta niyo. Ipahatid, ipaalam niyo sa mga komunidad at kapamilya niyo ang magagandang balita ng ‘Daang Matuwid’ at magandang bukas na mapaparating sa ating mga sarili kung itutuloy ang ‘Daang Matuwid,’” pahayag ni Roxas.

Sa pinakahuling survey n Social Weather Station (SWS) noong Pebrero ay nananatiling nasa ikaapat na pwesto si Roxas na  nakakuha ng 18% mas mababa ng dalawang puntos mula sa dating 21% noong Enero. 

Si Robredo naman ay umangat sa ikatlong pwesto. Mula sa 17% na nakakuha noong Enero ang kongresista ay nakapagtala ng 19% noong Pebrero. 

Ang tatlong lungsod na pinuntahan ngayon nina Roxas at Robredo ay bahagi ng National Capital Region kung saan may tinatayang higit kumulang anim na milyong boto.

Ang Parañaque City ay  pinamumunuan ni Mayor Edwin Olivarez  kasama ang kapatid nitong si  Rep. Eric Olivarez na kapwa miyembro ng Liberal Party.

Sa pagtungo ng Roxas-Robredo tandem doon ngayong araw ay kapwa nangako ng suporta para sa dalawa ang magkapatid na Olivares.-DCR

Advertisements