Quirino Atoll sa West Philippine Sea sinakop na rin ng China

CCG

Image courtesy by Popular Mechanics

Sinakop na rin ng China ang Quirino Atoll (Jackson Atoll) na bahagi ng pinag-aagawang Spratly Islands sa West Philippine Sea.

Base sa impormasyong nakuha ng The Manila Journo, hindi bababa sa limang barko mula sa Chinese Navy at Chinese Coast Guard ang nagbabantay sa lugar at nagsasagawa na doon ng naval blockade. 

Ang Quirino Atoll ay lugar pangisdaan para sa mga Vietnamese, Malaysian at Pilipinong mga mangingisda.

Ayon kay Kalayaan, Palawan Mayor Eugenio Bito-onon, nakita niya noong nakaraang linggo ang mga barko ng China sa lugar.

Sinabi ng alkalde na hindi ito dating pinupuntahan ng mga Chinese vessel. Ang Quirino Atoll ay karaniwan din umano nilang dinadaanan patungo sa Pag-asa Island (Thitu Island).

Sa salaysay naman ng ilang mangingisda mula sa  Mindoro Occidental sinabi nilang hinabol at itinaboy sila ng mga Chinese vessel na nakaistasyon sa lugar noong nakaraang linggo. 

Dahil dito ay hindi na mapasok ng mga mangingisda ang atoll.

Sinabi naman ni Foreign Affairs Spokesman Asec. Charles Jose na patuloy ang pagkumpirma nila sa  nasabing ulat.

Nananatili umano ang posisyon ng bansa na resolbahin sa mapayapang paraan ang sigalot sa West Philippine Sea.

Bago ang ginawang pagsakop sa Quirino Atoll ay tinayuan na rin ng naglalakihang istruktura ng China ang iba pang isla sa lugar.

Bukod din ay naitayo na rin ng China ang isang runway sa West Philippine Sea kung saan nakapagpalapag na ito ng kanilang mga eroplanong pandigma.

Inaasahan na ngayong taon o hanggang bago matapos ang termino ni Pangulong Benigno Aquino III sa Hunyo ay ilalabas na ng International Arbitral Tribunal sa The Hague Netherlands ang desisyon nito tungkol sa kasong isinampa ng bansa laban sa China.-DCR

Advertisements