Duterte inendorso ni Misuari

Nur and Digong.jpg

MNLF Chairman Nur Misuari and Davao City Mayor Rodrigo Duterte (Image courtesy of Davao Breaking News.com)

Inendorso na ni Moro National Liberation Front (MNLF) Chairman Nur Misuari ang kandidatura ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Ginawa ni Misuari ang pag-apela sa kanyang mga miyembro kahapon kasabay ng isang pagtitipon na dinaluhan ng mga miyembro ng MNLF.

Mula sa hindi pinangalanang lokasyon ay ipinaabot ni Misuari ang kanyang mensahe sa kanyang mga kasama via phone patch. 

“Don’t be afraid, give all your support to our brother Rodrigo Duterte. He is the MNLF’s candidate,” pahayag pa ng MNLF leader.

Para kay Misuari, si Duterte ang nararapat na maging susunod na pangulo ng bansa dahil sa patuloy nitong pagtulak sa peace process sa Mindanao.

Ikinagulat naman nang ilang miyembro ng MNLF ang pag-endorso ni Misuari kay Duterte.

Ayon kay MNLF chief of staff Datu Kautin Usman kahit kailan ay hindi pa nag-endorso ang kanilang grupo ng sinumang kandidato.

Sa kabila nito naniniwala si Usman na kayang magbigay ng boto ng kanilang grupo. Dahil dito sinabi ni Usman na ipararating niya sa lahat ng kanilang mga miyembro ang pahayag ni Misuari.

Bago ang endorsong nakuha sa MNLF noong nakaraang linggo ay dumalaw din si Duterte sa Camp Darapanan sa Maguindanao kung saan nakipag-usap ito sa matataas na lider ng Moro Islamic Liberation Front.

Sa pinakahuling Pulse Asia survey noong Pebrero ay umangat pa lalo ang numero ni Duterte na nakakuha 21%. Kung pagbabasehan ang lugar, si Duterte ang mas pinapaboran ng mga taga Mindanao na maging pangulo kung saan nakakuha siya ng 45%. -DCR

 

 

Advertisements